paalala, alaala at mga mainam na ekspiryensya.
walang kuryente at masarap tumunganga. walang ibang dapat puntahan kundi ang bintana. ang amoy kape kong hininga ang nagsisilbing pananggalang ko laban sa tilamsik ng laway ni Basyang. nung nawalan ng kuryente simula alas-dose ng hating gabe, walang kasing inam ang pakikinig kay Basyang habang pinanunuod ang mga puno sa labas na napapasayaw sa mga awit at kuwento niya. nagpapaalala, nangangaral. sa letrang Ba nagsisimula ang ngalan niya. may susunod pang Ka, Da, E, Ga, hanggang Za at pag minalas-malas ay baka bumalik pa sa A. tila sinasabi na siya ay isa lamang matalinhagang matanda na nagtuturo na anumang oras, higit pa sa kadiliman ang magaganap na pinsala sa hinaharap. salamat sa paalala.
naalala ko nung bata ako. walang kuryente pero walang bagyo. sa terrace namin dati masarap tumambay. nakatalukbong ng kumot at may tangan na flashlight. itatapat sa mukha at tatayo dun hanggang sa pawisan at magsawa sa mga kagat ng lamok. ayos lang dahil walang kasing saya ang madinig ang mga tili ng mga dumadaan sa kalsada. masaya din tumambay sa labas. kelangan lang ng maikling kandila at lata ng S-26. inilalagay sa loob ang kandila at ayun, sinaunang flashlight na masarap itutok sa mga blankong pader at kamay, aninong nagkabuhay. salamat Basyang sa mga alaala.
andaming natutunan. ang tunay na esensya ng radyo at ang paborito mong istasyon pala ay malalasap mo lang sa panahong nagdadaldal ang matalinhagang lola. napagtanto na mapalad ako, dahil 'di tulad ng iba na 'di sanay sa dilim, ang kadiliman ay pangkaraniwan na para saken na buhay ang mga gunita 'pag walang liwanag. natuklasan ko na ang pagkawala ng telebisyon, telepono at kung anu-ano pang bagay na pinaaandar ng kuryente ay hindi naman pala talaga mahalaga para malabanan ang bagot at inip. kandila at natitirang pastel, kape sa isang pitsel at ang mga kuwento ni Basyang lang pala ang kelangan laban sa mainam na kadiliman.
salamat Basyang.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment