nakikita mo? kita mo ba? makita mo sana? nakita mo na?
tahimik na nakatanga at inaantay ang umaga. ang amoy ng pandesal, mainit na arnibal, maluwag na kalsada at mga taong bagong ligo. amoy shampoo, amoy lotion, bihis na bihis at malilinis ang mukha. lakad, antay, sakay, baba.
wala akong pakealam sa kanila, hindi sila ang inaantay ko. wala akong pakealam, tatawanan lang nila ang kayaman ko.
ang kapitbahay ko mula sa kabilang ibayo. siya ang tinatangi ko. kaya lang, hindi niya ako nakikita, hindi napapansin. puwera kahapon, kahapon nung natulog at nagising ako sa bubong. kahapon, nakita kong nabura ang blankong imahe na nakatakip sa kanyang mata. natawa siya, napuna niya ko,
"ang laki ng kulangot mo oh!"
wala akong masabi, ang ganda ng ngiti niya. ang mga salitang sinambit niya ay musika sa aking kaluluwa. salamat sa mga alikabok na nalanghap ko! mapagpalang langit, maraming salamat sa kulangot na binigay mo!
hindi ako nakatugon, hindi nakaimik. ang nagawa ko lang ay sundan siya ng tanaw. habang nakatingin sakin na may ngiti sa kanyang labi. habang sinasalubong niya ang walang kasing ganda na umaga na parang regalo niya saken. ang tinatangi kong kapitbahay mula sa kabilang ibayo, sa wakas, nakita na ako at ang kayamanan ko.
simula kahapon, pinangako ko na araw-araw na matulog sa aming bubong. simula kahapon, sinimulan ko na ang panatang pakikitaan siya parati ng aking mapagmahal na ilong. lahat ng kulangot na mabubuo ay iaalay ko para sa kanya. kahit pagtawanan pa ng iba, ang importante ay mapangiti siya at salubungin ang bawat araw na may galak at tiwala. tiwala sa sarili na magbubura ng mga blankong imahe na humaharang sa magaganda niyang mata. tiwala na kayang umangkin ng liwanag na sumasalubong sa kanya.
parating na siya. kasabay ng amoy ng pandesal, shampoo, arnibal, lotion at iba pa. andiyan na siya. lakad, hinto, tingin, ngiti, lakad, lipad, saya.
salamat kulangot, ligtas na siya.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment