naiwan, iniwan, nalimutan.
hindi porque may kasama ka, may kausap, 'di ka na mag-isa. madaming bagay ang kathang-isip lang.
noong bata ako, Grade 2. kasabay ko dapat umuwi ang ate o kuya ko. pero, sa 'di malamang dahilan, nalimot nila. patay. hindi ako marunong umuwi mag-isa. malayo ang bahay sa eskuwela. isang traysikel at isan dyip ang kelangan sakyan. kelangan din tumawid ng EDSA sa isang daan. wala pang overpass nun. 'di biro yun para sa batang tulad ko. puwede naman dumaan sa isang mall kung saan madaming nadudukot na cute na bata at ginagawang prostitute. lalong delikado ako dun.
sa tuwing nababawasan yung kalaro ko, natatakot ako. kasabay ng paglubog ng araw at pag-alis ng mga ibong maya, malungkot talaga. nung wala ng nakaparadang iskul serbis sa parking lot at kasama ko na lang yung guwardiya, naramdaman ko ang mag-isa. nakatanaw sa bawat traysikel na dumadaan. sinusulyapan yung madilim na paaralan at umaasang lalabas dun si ate o kuya mula sa building nila, wala. mag-isa. hanggang sa makita ang pamilyar na imahe.
naka-puting t-shirt, kahki na shorts at tsinelas. medyo hukot (mana ako sa kanya.) at may dalang supot. laman ay monay na peanut butter ang palaman. medyo malamig na Zesto na orange flavor. hinawakan agad ang kamay ko at sinakay sa traysikel.
"kainin mo na yan." sabi niya. alas-tres ang uwian pero ala-sais na ata nung dumating siya. "nalimutan ka isabay ng kuya mo." at 'di na siya muling nagsalita pa. pagkagat ko dun sa monay habang nasa traysikel kami at katabi ko siya, hindi ko na naramdaman yung takot at lungkot. tuwing naaalala ko 'to, yung lasa nung monay at Zesto, pakiramdam ko, kahit kailan hindi ako naiwan, hindi mag-isa.
yung sarili ko na umalis, bumabalik dahil sa munting alaala. mga taong lumisan, alam kong andiyan lang. tulad niya, kahit matagal ng wala, dadating sila. may dalang supot, kahit di hukot. monay na may paboritong palaman. Zesto na orange flavor kahit maligamgam.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment