hindi ka gagaling kung hindi ka nagkasakit.
hindi puwedeng maawa, palihim na lang na hahanga. paghanga dahil kahit na nalason ang katawan, alam ko na hindi susuko at tadhana ay aakapin at tutuklasin. magtatagumpay ka. mga sugat mo ay maghihilom din. kahit gaano kalala, wala kang pakealam. wala silang alam. hindi ka nila puwedeng hatulan. tama, astig ka. dahil simula ngayon, mabubuhay ka na mas masaya, mas malakas at puno ng pag-asa. sugod pare.
naiinggit ako kasi meron kang sakit, ako wala. hindi ako gagaling. hindi ako malulunasan. ikaw oo. malulunasan ka hindi sa paraang kemikal. hindi mo kailangan ng gamot. gagaling ka hindi dahil sa tulong ng isang marunong na Doktor. gagaling ka dahil sa sarili mo. masakit oo. pero katawan mo lang ang masasaktan. kahit kailan, ang kaluluwa mo ay hindi magagalusan. habang ikaw ay may karamdaman, kaluluwa mo ay mas lalakas at patuloy na uusad, lulutang, lalaban. nakaiinggit talaga. ang galing mo talaga.
kahit ano'ng kahinatnan, kahit ano ang nakalaan para sa'yo, kahit ano ang iyong tadhana, hindi ka mawawala, hindi ka malilimutan. lalong hinding-hindi ka mamamatay. ang mga namamatay lang ay ang mga nilalang na hindi sumusubok lumaban, natatakot tuklasin ang tadhana at walang tiwala. walang tiwala sa lupa, puno at kalangitan. na andiyan lang lagi. nakaantabay at handa kang saluhin sa oras ng iyong paghimlay. tama pare. hindi ka mamamatay. hindi dahil, nakaukit ka sa aming buhay. hindi ka malilimutan at dahil dun, mabubuhay ka ng walang hanggan. dahil ikaw ay gagaling, ikaw ay malulunasan.
matapang na nilalang na may mahiwagang kinabukasan. katawang nalason at kaluluwang patuloy lalaban. mapalad. mapalad talaga. dahil may karamdaman ka, ikaw ay gagaling, malulunasan. mapalad talaga at dapat hangaan, dahil makakaya talaga lampasan at matutuklasan ang tadhana na para sa'yo ay nakalaan.
lahat ng may sakit gagaling. lalo ka na, na may tiwala sa lupa, puno at kalangitan.
Sunday, April 11, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment