right_side

About Me

CURRENT MOON

Followers

random thoughts..

Friday, April 30, 2010

Purgatoryo

malungkot, nakatatakot.

bilyon-bilyong kaluluwa dito nakatambay. hindi kailan man maginhawa ang buhay. patag ang mga daan at ang mga nitso ay abot ang mga ulap. mga palahaw at hiyaw na naririnig ng mga tuod at kambing na may dalang tinidor. wala silang pakealam. puno pa siguro sa kalangitan kaya madami pang nakaabang dito? pero parang wala naman pinagkaiba sa impyerno? mainit din minsan pero madalas umuulan. pero parang ganun din naman. madami ang pinarurusahan.

mga humihingi ng hustisya at bida sa Magandang Gabi Bayan. mga delikwenteng nilalang na di alam kung saan yung tuwid at baluktot na daan. intayin nila si kuwan para malaman. sa madaling salita, isang malawak na espasyo para sa mga naliligaw na nilalang. humihinga kahit nakabaon na sa lupa at inuuod na ang katawan. hindi mainam na lugar para sa mga walang muwang.

pero salamat dahil may lugar na ganito. dahil dito, hindi ka agad nahuhusgahan, mabagal kasi ang kalakaran. puwede pang magbago. hindi pa huli ang lahat para maunawaan ang mga bagay na dapat matutunan. lugar kung saan mamumulat ang iyong mata. yung ikatlong mata. na kahit nakapikit ay dapat nakadarama. hindi nga ito ang pinakamainam na lugar pero dapat daanan at sana ay matakasan.

walang diskriminasyon, walang kahulugan. walang panlalait mula kaninoman. takot lang at madaming lungkot. pagkabagot at sankaterbang yamot. kahit manipis lang na linya ang nagsisilbing harang, mahirap pa din tawirin mula dito ang inaasam na kapayapaan. ang mga andito kasi, madalang mapansin. puwera na lang kung may miyembro ng media dito, blockbuster ang lugar na to malamang. siguro din, pag nagliyab ang mga tahanan, baka pati si Satanas maki-usyoso. kapag siguro nag-play dead sabay-sabay o anudin ng baha ang mga kaluluwa dito, baka mapilitan yung nagpapanggap na Diyos na lumitaw at maghimala. dahil dito sa purgatoryo, maraming himala pero walang naniniwala.

lugar di lang para sa mga bangkai, pati sa mga buhay na walang malay.

Thursday, April 29, 2010

Ang Sugat ay Istiker

at ang malakas na istiker pag dinikit mo sa balat, nakasusugat.

pag mahilig ka sa indian manggo, siguro madalas ka magkasugat. kung nakaka-sincuenta piraso ka nito sa loob ng isang araw o higit pa, bukod sa hiwa ng kutsilyo sa daliri, sa kubeta ka titira. hindi ito tungkol ulit sa jebs, huwag mag-alala.

lahat ng bagay na may buhay nasusugatan. hindi lang tao, pati hayop, puno, halaman at kung ano pa man. tama. may kasabihan nga, "Lahat ng nabuhay, mamamatay.", pero, 'di lahat ng mamamatay may sugat. ibig sabihin, hindi nakamamatay ang sugat. puwera na lang kung 'di mo gagamutin? paano kung may kalawang yung nakasugat sa'yo? paano kung may rabbies yung kumagat sa'yong aso? paano kung napagkamalan mong bandaid yung istiker na super adhesive? patay.

maganda din nga minsan 'pag nasugatan tayo. natututo tayo. nalalaman natin na hindi pinaglalaruan ang Gilette. na ang gunting, nakapuputol din ng balat. na ang bubog, hindi kinakain, hindi inaapakan. matututunan din natin na masarap pala tuklapin ang langib at idikit sa noo.

madali lunasan ang sugat. parang istiker lang ba? natatanggal 'to sa balat natin o di kaya'y sa kaluluwa? mahirap tanggalin lalo na kung matagal ng nakadikit kaya ang mabuti, 'pag bagong dikit pa lang ang sugat, tanggalin mo agad at ihanap ng magandang lugar na pagdidikitan. sarap sa pakiramdam talaga na tuklapin ang istiker na sugat. dahan-dahan lang ha? huwag biglaan. hindi ka naman nagtatanggal ng buhok sa katawan. basta, sa unang tanggal mo lang masakit yan. sa susunod, medyo mild na. ulitin lang ng ulitin ang proseso. dikit sa ibang lugar, tanggal, dikit ulit, tanggal, diki, tangga, iki, angga, ik, angg, i, ngg, ng, g. *poof* wala na. hindi na didikit pang muli ang sugat mong parang istiker lang pala. simple. kailangan mo lang, lugar na mapagkakatiwalaan dikitan at kayang tiisin ang sakit na dulot ng pagtanggal ng istiker na sugat na madikit.

pagtapos nun, magpakasaya na kayo magtanggal ng langib. solid!

Tuesday, April 27, 2010

Para sa Isnatser

hindi ako galit.

nagpapasalamat pa. pinaramdam mo sa akin kung gaano ako kainutil. yung imahe ng ina ko na humahagulgol, habang buhay na uukit sa kokote ko. tuwing maaalala ko to, gigising ako at sasabihin na hindi ko na siya puwede makita muli sa ganoong estado.

salamat dahil nakauwi siya ng buo. walang galos. yung trauma na binigay mo sa kanya, yun na ata yung pinakamasakit. sana ipagdasal mo na mawala agad. sana pumasok sa isipan mo yun. pero salamat pa din dahil, yun nga, buhay siya, hinablot mo lang ang purse niya at tumakbo nang matiwasay. buti hindi mo kinuha pati yung bitbit niyang groseri kundi, wala kami kakainin. pero 'di din naman kami nakakain eh.

yung lumang modelo na selphone na may scotch tape, gumagana pa. huwag mo itapon sana. malaki silbi niyan kahit luma na. yung pera gamitin niyo po sana sa marangal na paraan. malaking halaga din yun, makatulong po sana talaga. gamitin niyo po sana sa tamang paraan. matutuwa po ako talaga kung para yan sa pagkain o pambayad sa ospital para sa may sakit mong anak o ano pa man. sana gipit ka lang talaga. sana di mo yan gamitin para sa bisyo mo lang. sana makatulong talaga sa'yo yan para di ka na ulit makagawa ng masama. sana talaga 'di mo na ulitin pa.

tuwing kinukuwento ka ng inay ko, nadudurog ako. nakita ko kung paano niya pinaghirapan yun. lagi siyang puyat. kumukulo ang utak kaiisip kung paano mapapagkasya sa mga bayarin. sa isang iglap lang, nakuha mo. nakagigigil oo. pero ano pa ba ang magagawa ko. nangyari na eh. walang saysay ang mapoot pa sa'yo.

alam niyo po, salamat talaga dahil kayo ang nang-isnats sa ina ko. hindi kasi kayo gumamit ng armas o dahas. yung iba nasasaksak, binabaril, ginugulpi, pero kayo hindi ganun. basta po, tulad nung sabi ko, sa tamang paraan niyo sana gamitin ang pera. huwag kang mag-alala, ako na mag-aabogado para sa'yo sa nanay ko para di na siya magalit pa. pinapatawad na kita.

mag-ingat po kayo parati. huli na sana 'to.

Monday, April 26, 2010

Monay, Peanut Butter at Zesto

naiwan, iniwan, nalimutan.

hindi porque may kasama ka, may kausap, 'di ka na mag-isa. madaming bagay ang kathang-isip lang.

noong bata ako, Grade 2. kasabay ko dapat umuwi ang ate o kuya ko. pero, sa 'di malamang dahilan, nalimot nila. patay. hindi ako marunong umuwi mag-isa. malayo ang bahay sa eskuwela. isang traysikel at isan dyip ang kelangan sakyan. kelangan din tumawid ng EDSA sa isang daan. wala pang overpass nun. 'di biro yun para sa batang tulad ko. puwede naman dumaan sa isang mall kung saan madaming nadudukot na cute na bata at ginagawang prostitute. lalong delikado ako dun.

sa tuwing nababawasan yung kalaro ko, natatakot ako. kasabay ng paglubog ng araw at pag-alis ng mga ibong maya, malungkot talaga. nung wala ng nakaparadang iskul serbis sa parking lot at kasama ko na lang yung guwardiya, naramdaman ko ang mag-isa. nakatanaw sa bawat traysikel na dumadaan. sinusulyapan yung madilim na paaralan at umaasang lalabas dun si ate o kuya mula sa building nila, wala. mag-isa. hanggang sa makita ang pamilyar na imahe.

naka-puting t-shirt, kahki na shorts at tsinelas. medyo hukot (mana ako sa kanya.) at may dalang supot. laman ay monay na peanut butter ang palaman. medyo malamig na Zesto na orange flavor. hinawakan agad ang kamay ko at sinakay sa traysikel.

"kainin mo na yan." sabi niya. alas-tres ang uwian pero ala-sais na ata nung dumating siya. "nalimutan ka isabay ng kuya mo." at 'di na siya muling nagsalita pa. pagkagat ko dun sa monay habang nasa traysikel kami at katabi ko siya, hindi ko na naramdaman yung takot at lungkot. tuwing naaalala ko 'to, yung lasa nung monay at Zesto, pakiramdam ko, kahit kailan hindi ako naiwan, hindi mag-isa.

yung sarili ko na umalis, bumabalik dahil sa munting alaala. mga taong lumisan, alam kong andiyan lang. tulad niya, kahit matagal ng wala, dadating sila. may dalang supot, kahit di hukot. monay na may paboritong palaman. Zesto na orange flavor kahit maligamgam.

Saturday, April 24, 2010

Trak ng Basura

tren, bisekleta, bus, dyip, Tsedeng, kotseng kuba.

mas gusto ko magmaneho ng trak ng B-A-S-U-R-A.

bakit hindi? yan na ata ang pinakamarangal na trabaho sa lahat. kapag dumadating na, kahit hindi mo nais malanghap, mapapa-yeaaa ka talaga. yeaaa talaga.

hindi maselan. pag yan gamit mo pag trip mo mag-joyride, kahit magsuka lahat ng pasahero mo, ayos lang. ano pa silbi niyan kung malinis yan? tokwa naman. party sa loob ng basurahan. rekta ka na.

talo mo pa ang may sirena o wang-wang. di na kelangan ng magarang busina. matindi puwersa nito pare. dumadagundong ang aura. milya pa lang ang layo, lumuluwag na ang kalsada. smooth sailang ang biyahe mo dude. wasak ang tumibag.

di kelangan ng masyadong maintenance. di mo kelangan mag-helmet. di mo kelangan mag-rosaryo pag pasahero ka dito. walang metro. may nabalitaan ka na ba na, "TRAK NG BASURA, BUMANGGA SA POSTE! 5432, DEDBOL!"

imadyinin niyo, kung ang kalsada naten, trak ng basura lang ang laman. diba mas mainam? basura lang din naman laman ng ibang sasakyan. nagtatago lang sila sa mga magagarang pintura at plate number. kung puro trak ng basura ang laman ng kalsada, mas malinis siguro ang mundo. panalo.

aminin na natin, mabaho lahat tayo. oo lahat. hindi lang yung mga iskuwater o pulube o mga ignorante at walang pinag-aralan. trak ng basura ang nababagay na sakyan naten patungo sa pupuntahang kamatayan. kasama ng mga plastik, patay na hayop, bulok na prutas, lumang sapatos at mga mapagmataas na langaw. saan ka pa? trak ng basura na. joyride papunta sa malawak na karagatan at kabundukan kung saan, mapagtatanto naten na walang nakahihigit kahit kanino man, walang magaling, walang maganda, walang mabango, lahat patas lang, pare-parehong B-A-S-U-R-A.

sana balang araw, magkaron ako ng trak ng basura. 4000HP, 56 inch rims, may built-in GPS, leather seats, may 3D TV, mainam na air-conditioning at siyempre, lumilipad.

basurero on the move.

Thursday, April 22, 2010

Naglalakad na Oktopus

sa talampakan ng karagatan.

nangyare sa pagitan ng alas-diyes ng umaga hanggang alas-kuatro ng hapon.

BABALA: Nakamamatay, Walang Overpass!

gising. labas. sundan ang alon, ang alingasngas. ang unang mapapansin pag bukas ng pinto, madaming Tsunami, sunod-sunod. kasunod ng mga pugita na madaming itim na tinta. malalakas na alon na nakababalisa. ang pinakaiba at katangi-tangi talaga, ang oktopus na naglalakad sa gitna ng kalsada. umaalon ang mga galamay at lumulutang talaga. sa talampakan ng karagatan na nakapaparalisa. *glug glug* presko. hindi na kailangan pumunta ng beach mga pare ko.

nagtatampisaw sa tubig alat kasabay ng madaming jellypis na iba't-iba ang kulay. meron pang jellypis na may kaakibat na katuwang tunog. meron pang jellypis na may tatak ng aplayans sa ulo. umaalon ang mga katawan. hinahati ang mga Tsunami na dumadaan. liquid pare. sa talampakan ng dagat, mga syokoy ay nagkalat. umaalon, bumubulwak. umuusok sa sarap.

kahit malakas ang alon, madami pa ding oktopus ang naglalakad. hindi sumasabay sa mga pating at buwaya. naglalakad kahit madaming pugita na madaming tinta. humahanap ng kung ano. pupunta sa kung saan. mga oktopus na tinitiis ang umaasong karagatan. panalo sa alat, sakto sa sarap.

madaming buwaya at iba't-ibang uri ng isda. walang diyanitor pis. walang halamang dagat at koral riff. may syokoy at dalagang bukid. madaming Tsunami at tintang itim. madaming buhangin na umaaso. madaming alat at aspalto. mga natanaw pagbukas ng pinto. sa pagitan ng alas-diyes at alas-kuatro.

walng tigil sa paglakad mga oktopus na tulad ko. apat lang ang galamay, akala ko walo. umaalon ang katawan at umaaso. sa talampakan ng dagat kung saan napakapresko. hinahanap ang Oasis. Oasis sa pagitan ng talampakan ng dagat at umaasong impyerno. hindi kinalilimutan, na sa Oasis na iyun lang matatagpuan, ang mga sirena, halaman at bukal ng tubig na hindi maalat, kundi malinamnam.

mirage.

Wednesday, April 21, 2010

Putragon, Putragis

sang munting tula na masayang awitin kapag sa tingin mo, walang saysay ang..

"putragon! putragis! anak ng pating at anak ni Janice! kaning panis, singit na pawis, anak ka ng dragon! PUT-RA-GIS!"

yan. habang inaawit niyo, habang ninanamnam. isipin niyo ng isipin kung ano ang pinagkaiba ni Yoyoy at Beethoven. kung ano ang lamang ng Fur Elise sa Butchikik. habang tumutugtog sa kokote niyo ang munti kong tula, isipin ng isipin kung bakit ang buhay magara. kung bakit ang walang saysay ay kinaiinisan pero ang mga bagay na hindi naiintindihan ay pilit na isinisilid sa kokote na kasing laki ng bote ng Gerber. teka, teka. baka naman hindi mo lang naiintindihan kaya sa tingin mo ay walang saysay? baka dahil nakatikim ka na ng imported na tsokolate, ayaw mo na ng ChocNut? baka dahil ikaw ang pinakamalaking isda sa aquarium, pakiramdam mo bigatin ka na? hindi mo alam, yung imported na tsokolate na kinain mo ay may MELAMIN. hindi mo alam, bukas yung amo mo, may dalang higanteng janitor fish na triple ang laki kesa sa'yo at isama dun sa munting aquarium na pinaglalagyan mo? teka, siguraduhing pinatutugtog mo ang munti kong tula habang isinisilid mo yan sa kokote ng aso mo na kasing laki ng Jupiter.

"putragon! putragis! anak ng pating at anak ni Janice! kaning panis, singit na pawis, anak ka ng dragon! PUT-RA-GIS!"

kapag nahihila ka na pababa ng munti kong tula, huwag kang matakot, normal lang yan. pinagdaanan ko din ang karanasang yan. pero hindi ako baliw pare, hindi ako tanga. ganun ka din naman siguro kasi lumutang ka nga?

hindi lang ikaw ang nabubuhay sa mundo. madami na ang namamtay na mas may karapatan mabuhay sa'yo. huwag mo naman sayangin ang pagkakataon mo. porque imported na tsokoleyt ang kinakain mo? porque marunong ka mag-Espanyol? porque kumpleto ngipin mo? porque Classical musik pinakikinggan mo? e ang tingin mo na sa di mo naiintindihan e mababang uri kesa sa'yo?

anak ka ng dragon pare ko. putragis para sa'yo.

Sunday, April 11, 2010

Koala

hindi ka gagaling kung hindi ka nagkasakit.

hindi puwedeng maawa, palihim na lang na hahanga. paghanga dahil kahit na nalason ang katawan, alam ko na hindi susuko at tadhana ay aakapin at tutuklasin. magtatagumpay ka. mga sugat mo ay maghihilom din. kahit gaano kalala, wala kang pakealam. wala silang alam. hindi ka nila puwedeng hatulan. tama, astig ka. dahil simula ngayon, mabubuhay ka na mas masaya, mas malakas at puno ng pag-asa. sugod pare.

naiinggit ako kasi meron kang sakit, ako wala. hindi ako gagaling. hindi ako malulunasan. ikaw oo. malulunasan ka hindi sa paraang kemikal. hindi mo kailangan ng gamot. gagaling ka hindi dahil sa tulong ng isang marunong na Doktor. gagaling ka dahil sa sarili mo. masakit oo. pero katawan mo lang ang masasaktan. kahit kailan, ang kaluluwa mo ay hindi magagalusan. habang ikaw ay may karamdaman, kaluluwa mo ay mas lalakas at patuloy na uusad, lulutang, lalaban. nakaiinggit talaga. ang galing mo talaga.

kahit ano'ng kahinatnan, kahit ano ang nakalaan para sa'yo, kahit ano ang iyong tadhana, hindi ka mawawala, hindi ka malilimutan. lalong hinding-hindi ka mamamatay. ang mga namamatay lang ay ang mga nilalang na hindi sumusubok lumaban, natatakot tuklasin ang tadhana at walang tiwala. walang tiwala sa lupa, puno at kalangitan. na andiyan lang lagi. nakaantabay at handa kang saluhin sa oras ng iyong paghimlay. tama pare. hindi ka mamamatay. hindi dahil, nakaukit ka sa aming buhay. hindi ka malilimutan at dahil dun, mabubuhay ka ng walang hanggan. dahil ikaw ay gagaling, ikaw ay malulunasan.

matapang na nilalang na may mahiwagang kinabukasan. katawang nalason at kaluluwang patuloy lalaban. mapalad. mapalad talaga. dahil may karamdaman ka, ikaw ay gagaling, malulunasan. mapalad talaga at dapat hangaan, dahil makakaya talaga lampasan at matutuklasan ang tadhana na para sa'yo ay nakalaan.

lahat ng may sakit gagaling. lalo ka na, na may tiwala sa lupa, puno at kalangitan.

Friday, April 9, 2010

Nakakita Ako ng Isda

ano naman ngayon?

kasi gumalaw yung mata niya. gumalaw kahit na-iprito na. gumalaw kahit nakahiwalay na ang kanyang ulo sa katawan niya. gumalaw ang mata niya. kumindat pa nga ata? isda, kumindat? barbers!

siya ay Tilapia, tinda ni Aling.. ewan ko sa nanay ko. malaki siya. ay mali, MALAKI SIYA. yan tama. medyo tustado at maalat-alat. malinamnam. malutong ang balat. malaki ang tinik, madaling iwasan. nahahati sa tatlong bahagi, yung ulo, ung tiyan at yung buntot. akin yung tiyan. di ko na naabutan yung buntot. yung ulo wala ng laman. yung mata na lang. at yun na nga, gumalaw ang mata niya! kumindat! nang-aakit, malagkit na malagkit! tiningan niya ako, tiningan ko din siya. MALAKING Tilapia na kumikindat pa!

ano gagawin ko? ang gara nito! kakaibang ekspiryensya talagaaa. guni-guni lang kaya yun? o may ibig ipahiwatig?

tinakpan ko ng plato at nag-intay ng siyam na segundo. dahan-dahang inangat ang takip at sinilip. nawala! nawala na yung MALAKING Tilapia na kumukurap-kurap! oh man! ano yun?! paano nangyari yun?! pawis na pawis na ko. di ko alam ang gagawin ko. sasabihin ko ba to sa nanay ko? iku-kuwento sa kebigan ko? oh man talaga! ang garang ekspiryensya! MALAKING Tilapia na kanina lang ay kumindat-kindat, tinakpan ko lang saglit ay nawala na! tama. tama nga. isa nga siguro yung magic Tilapia. tama. sasabihin ko sa nanay ko na bumalik kay Aling.. basta, at bumili ulit ng isa pa na MALAKING Tilapia. tama. di ko ipa-luluto at babantayan ko baka magsalita! baka puwede ako'ng humiling, karamdaman ko'y mapagaling, buhay ko'y magningning!

"NAY! bili ka pa ng Tilapia, MALAKING Tilapia! ubos na kasi, di niyo ko tinirhan! ulo na lang na walang laman! (nilagay ko sa bulsa yung tiyan)."

walang sumagot, walang tao. alon lang. alon ng alon. akala niya lang pala yun. akala niya may ulam siya. ang malala pa, akala niya, kumindat yung akala niyang ulam niya. akala niya, may nanay pa siya na bumili nung ulam niya na kumindat pa.

Monday, April 5, 2010

Taeng-tae Ka na Pero May Tao sa Kubeta

nakadungaw na bilis!

lahat ng bagay pinag-hihirapan sabi nila. lahat ng bagay, hindi mo makukuha kapag walang kaakibat na sipag, pag-pupursige, sakripisyo at madami pang iba. kahit sino ka pa. kahit hindi ka si Villar, may pag-asa ka. tama, hindi bawal mangarap. ang bawal, umasa sa iba para sa pangarap mo. bawal ang umasa sa gobyerno. mali din na dahil nag-hihirap ka, sila ang sisihin mo. hindi naman sila Diyos. mahiya ka naman.

sabi nga ni Inday Chorva, "puwedeng bilangin ang buhok. ayaw niyo lang dahil tinatamad kayo.". ngayon, dahil sa pag-pupursigi niya, isang maunlad na parlorista na siya na may dalawa ng branch ng Chorva SalonSpa. P25 lang, tabas ka na. yun ay dahil binilang niya ang buhok niya.

si Boy. isang hardinero. isang marangal na Pilipino. sabi niya, "ang mga pogi at malakas ang sex appeal, marunong mag-alaga ng halaman at di puro papogi lang.". dati, pinanunuod niya lang ang mga hardinerong nakaka-iskor sa mayaman nilang amo sa pelikula at drama. ngayon, siya na ang naka-iskor at dahil dun, hardin na niya ang dinidilagan niya. galing at talino. at pagka-pogi.

si Dudeparetol. dating labandero. sabi niya, "kung gusto mo'ng maglakad sa tubig, simulan mo sa palanggana. huwag sa dagat agad dahil hindi naman tayo tulad ni Jesus.". dahil dun, mula sa dating pag-lalabandero, nakapagpatayo na siya ng sarili niyang laundry shop. hindi minaliit kahit kelan ang trabaho niya.

ilan lang sila sa mga nag-hirap para umasenso. hindi umasa sa iba at hindi nagreklamo. sila ay mabuting ehemplo para sa lipunang ito. sila ang aking mga idolo bukod kay Lennon.

walang kasing pait at hirap ang pakiramdam na taeng-tae ka na e may tao sa kubeta. isang maling kilos mo lang e baka lumabas na. pero, walang katumbas ng sarap ang nanginginig na pag-hubad mo ng shorts at brip o panti mo pag-labas nung tao na yun. walang katumbas na ginhawa ang pagdampi ng puwet mo sa munting trono. ahh. ganyan ang buhay pare ko.

YEAMAN!

Sunday, April 4, 2010

Paalam, Gabi Na

baka ma-rape ako at manakaw ang virginity ko.

paano ba magpaalam? yung paalam na, "bye, pupunta na ko ng Saudi." at hindi yung paalam na, "puwede ba'ng tumae dito?". paano nga ba? err, teka. siguro mainam muna itanong yung, "bakit? bakit ka aalis? bakit mo ko iiwan?". naks. drama.

bakit nga ba kailangan magpaalam pa? tss. diba kaartehan lang yun? diba, ginagawa lang yun ng mga tao para malaman kung may pipigil sa kanila. yung pag pinigil sila e mapapa-ayeee ka sa kaloob-looban mo? o hindi din? pag sinambit mo yun, sigurado, may masasaktan. kung hindi yung sinabihan mo e ikaw. o di kaya, parehas kayo. e ba't kailangan pa sabihin? mas mainam ba yung bigla ka na lang mawawala at wala ng paalam pa? o hindi din? siguro, magandang i-reply sa katagang paalam e "bakit?" talaga. pero, kung yung tatanungin mo e di ma-ipinta yung mukha, umiiyak at magang-maga ang mata o nakapikit na at may bulak sa ilong e, mabuti pa'ng huwag na lang. dahil baka mas nakakatakot at mas masakit ang makuha mo'ng sagot. parang, pinatay ka na, gusto mo pa malaman kung ano gagamitin niya'ng teknik. yun e para lang sa mga ayaw maiwan.

ngayon, paano nga ba dapat magpaalam? yung tipo ng paalam kung saan naka-paloob ang napakadaming alaala. yung paalam na may nakalakip na pag-ibig at kalungkutan. yung tipo ng paalam na pang-huli na. na sa oras ng binitawan mo e wala ng balikan pa. yung paalam na pagtapos mo'ng masambit ay kasabay ng pag-agos ng kalungkutan, pighati, galit at kung ano-ano pa'ng bagay na maaaring makasakit o mas malala pa, makapatay ng damdamin. tama. paalam nga naman. yan na nga ata ang pinakamalungkot na salitang kinatha. paano nga kaya?

hindi ko alam. tinanong lang din saken yan.

siguro, ang mainam e dugtungan mo agad ang salitang yun. tulad nga nung nasabi ko, malungkot ang salitang yun kaya samahan mo. pag sinabi mo din mag-isa, andun yung tanong na "bakit?" na masakit sagutin kaya samahan mo. ang sabihin mo,

"paalam, gabi na."

Sabi Nila

binulong nila saken.

sabi ng pagong, mahirap ang may pasan pero mas mahirap kung kailangan mo pa dumaan sa EDSA para makauwi. sabi ng pagong, madali sambitin ang pag-ibig sa loob ng bahay na astig. sambitin, hindi gawin.

sabi ng lamok, hindi cool ang mabuhay sa dugo. hindi din daw nila malasahan ang lasa ng baboy. sabi ng lamok, wala daw siya kilalang Edward Cullen at oo, 1/4 sa populasyon nila ay may AIDS. ok.

sabi ng bentilador, mainit talaga kapag madaming alikabok. tanggalan daw ng takip at iharang ang daliri sa elisi para sa kakaibang ekspiryensya. ang sabi ng bentilador, hindi daw ako Dentista para sabihing dalawang beses isang taon lang siya puwedeng ma-konsulta, kahit mapunasan lang ba. dedma.

sabi ng mangga, hindi daw sila galit sa mga "Cowboy". ang mga "Cowboy" daw ang galit sa kanila. ang sabi ng mangga, mas mainam talaga ang bagoong kesa sa asin lang. ang asin, hindi malansa.

ang sabi ng hanger, wala. nawili ka naman.

ang sabi ng inay, huwag intindihin ang sasabihin ng iba, hindi sila ang nag-papkain sa'yo. ibang usapan na, kapag si Kris Aquino ang nagsalita. ang sabi ng inay, si Gibo ang iboboto niya. yung sinabi niya kay Noynoy, censored.

ang sabi ng buwan, bakit ba kayo ganyan? ako ginagawa niyong kasangkapan kapag ang puso niyo ay sugatan. ang sabi ng buwan, ang pag-ibig ay mainam. mainam kung tunay na na-ipararamdam at nararamdaman. haay.

ang sabi ng hininga ko'ng hangin, *hooofhhh* at *swoooofhh*. huwag daw mawalan ng pag-asa hangga't siya ay naririnig pa. talaga lang.

ang sabi ng pagong, lamok, bentilador, mangga, hanger, inay, buwan at hininga ay walang patumangga. walang saysay at panay haka-haka. ang mga sinabi nila ay hindi mahalaga dahil, wala naman silang sinabi talaga. ay meron. ay.. meron nga pala.

ayokong makinig sa sabi nila. bawal makinig hangga't hindi ko naririnig sarili ko'ng kaluluwa. saka kuwan.. basta may isa pa. sikret muna.

Friday, April 2, 2010

Paheram ng Sapatos

may pupuntahan lang ako.

hindi ko kasi nagagamit yung saken, kaya paheram ng sapatos mo. wala ako'ng ka-date, biyernes santo kaya. gusto ko lang maglakad at maglakbay at magtuklas. ibabalik ko din, hindi ko ga-gasgasan. paheram?

saan ka ba pupunta? saan ka pumunta? may i-papahiram ka ba o nang-hihiram ka lang din? bago din ba yung sapatos mo at puro alikabok? malungkot din ba yung sapatos mo? malungkot at bagot na bagot?

mang-hiram na lang tayo ng sapatos, samahan mo ako. at bigyan naten ng makukulay na paltos at galos yung mga talampakan natin. panahon ngayon upang maglakad at maglakbay at magtuklas. mang-hiram tayo ng sapatos na puro gasgas, may pudpod na suwelas, ma-himulmol na sintas at masarap ikaskas sa lupa.

pahiram ng sapatos, ayoko ng may takong. ayoko din nung pam-basketbol at yung pamasok sa eskuwela. gusto ko kulay brown na natuluan ng pintura. gusto ko yung walang alikabok galing sa kabinet mo. gusto ko yung madaming lugar na ang napuntahan. mas mainam siguro yung nakaapak ng simbahan. paheram ng sapatos, siyempre dapat kasya saken. ayoko ng bigay, gusto ko hiram lang.

kahit may alipunga ka pa o kahit ano pa'ng sakit sa paa, ayos lang. kahit ngumanganga na at lumalawit na ang dila, mas mainam. kahit hindi mo napapahiran ng Kiwi o nalalabhan, wala ako'ng pakealam. di ko naman isusuot e, isusukat ko lang. pahiram po.

maraming lakad, maraming lakbay at maraming tuklas. isang mainam na sapatos kapareha ng medyas na butas. para sa mga paa na madumi't sugatan. para sa kaluluwang hindi nasisikatan ng araw. para sa nilalang na hindi nakararamdam. para sa mga buto at balat na pinakuan. paheram ng sapatos.

paheram ng sapatos. ayoko nung may air soul, laos na yun. ayoko din nung kay Penny Hardaway. kahit blue pa ang kulay nun, ayaw. gusto ko lang naman, yung madalas maglakad, maglakbay at magtuklas.

tss.