hindi jackpot, kundi burol.
ayoko ng madaming tao. gusto ko madaming kape, yung walang betsin. kape lang talaga. basta, ayoko ng madaming tao. umm, wala naman talaga sigurong pupunta? wala naman ako masyadong kakilala. kung meron man, siguro mga kamag-anak at mga kaibigan lang ng kamag-anak ko kasama ang mga kamag-anak nila at mga kaibigan ng kamag-anak ng kaibigan ng kamag-anak ko lang. kaya, wag na lang. hindi naman nila ako kilala at wala din naman ako'ng balak kilalanin sila. tss.
ayoko ng may umiiyak o may malulungkot. ayoko ng umagos ang luha para sa aken. sa parte ko siguro, masarap makita na iniiyakan ako, pero, para sa kanila na umiiyak, baka mahirap para sa kanila. kahit tawanan nila ako ayos lang. patay naman na ako, walang makakikita kung malulungkot ako o iiyak pag nakita ko na hindi ako iniyakan. sapat na yun. ako lang naman ang masasaktan. ok na yun. ako lang ang iiyak, di ako dapat iyakan.
ayoko ng mga bulaklak pampatay. ayoko ng sisiw sa kabaong ko. ayoko ng kabaong. ayoko sa punerarya. ayoko na magkaron ng sakla. ayoko ng lamay. ayoko pala ng burol. ayoko ng kapeng may betsin. ayaw ko po. huwag po please, huwag po.
gusto ko'ng mamatay mag-isa. ayoko ng may makakikita o makakaalam. ayokong iyakan. ayokong may malungkot. ayokong may makaramdam na sila ay aking iniwan. gusto ko mag-isa ako sa araw na yun. sa ilalim ng puno siguro. may tangan na isang pitsel na kape. sa ilalim ng isang puno sa isang munting burol kung saan matatanaw ko ang pag-lubog ng araw at pag-litaw ng buwan ng sabay. sa ilalim ng puno kung saan mabubulok ang aking katawan at magiging pataba para sa puno na aking sinandalan. mag-isa. walang luha. walang lungkot. walang kabaong. walang libing. walang tao. walang malungkot. ako lang. ako lang dapat. ako lang ang puwedeng sumalo sa hirap na mawalan ng mahal sa buhay. balato niyo na sakin yun.
ayoko pala ng burol. hindi pala dapat ako mangarap ng burol. gusto ko lang, kape na walang betsin.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment