right_side

About Me

CURRENT MOON

Followers

random thoughts..

Tuesday, March 30, 2010

Lobo na Gawa sa Spaceship

o spaceship na gawa sa lobo. o ewan. o ganun nga. tama ganun nga.

gusto ko ng lobo. yung kulay asul. ay, bughaw pala. tama. bughaw-asul nga. ito ang gagamitin ko para makalipad. oo, hindi pakpak. ang manok may pakpak pero di ito lumilipad. ang eroplano may pakpak pero gasolina ang dito'y nag-papalipad. kaya lobo gusto ko. lobo na ang lamang hangin ay sa akin galing. lobo na asul o bughaw na ang hanging laman ay ang bawat hininga ko simula ng ako'y isinilang. lobo na aking hahawakan hanggang sa makapunta ako sa buwan.

dadaanan ko ang mga anghel. gamit ang kanan ko'ng kamay, kakawayan ko sila. dadaanan ko sila para ipakita na gamit ang kaliwa ko'ng kamay, tangan ang lubid ng lobo na yari sa ugat ko at maraming hininga na siya'ng laman ng lobo, ako'y nakapunta din at nahawakan ang mga ulap gaya nila. kaway para sa mga anghel. haplos para sa mga ulap. patungo sa higanteng Sunflower na walang tangkay, tangan ang lubid ng lobo gamit ang kaliwa ko'ng kamay.

bago pumunta sa nasabing bulaklak ay pi-pintahan ko muna ang buwan. i-guguhit ko doon ang aking kanang kamay na naka-peace sign gamit ang baon ko'ng pintura. makikipaglaro sa mga tala. hahanapin ang kuwago na nakikita ko tuwing umaga. i-iilag ang lobo sa mga dumadaang kometa. pipikit pag madilim at didilat pag nakakasilaw na. hanggang sa makapunta sa higanteng Sunflower para pumitas ng isan nitong hibla.

pag nagawa ko na ang dapat magawa. pag nalaro ko na ang malawak na obra. lobo'y pa-puputukin. kasabay nang pag-hinto ng ihip ng hangin. kasabay nang pag-tatapos ng magandang awitin. kasabay nang pag-takip ng mga ulap na madilim. ako ay babagsak. tangan pa din ang lubid na yari sa aking ugat. ako ay babagsak. tangan ang hibla ng higanteng bulaklak. ako ay babagsak. dahil ang lobo ko'ng asul na bughaw ay pumutok. dahilan upang ang aking hininga ay kumawala. kumawala patungo sa buwan kung saan ko iminarka. ang kanan ko'ng kamay gamit ang sarili ko'ng pintura.

paheram ng payong.

i-de-Dirty Finger Kita

baket?

kung baket nakaka-insulto ang pag-tiklop ng mga daliri mo at pag-tira lamang nung pang-gitnang daliri ay hindi ko alam. kung sinong gastugs ang naka-imbento nun e malamang, patay na. baket nga kaya nakaiinis yun? malay ko.

may kaaway ka, kinaiinisan? ganito gawin mo. tumapat ka sa kaaway mo na yun. i-angat mo ang palad mo ka lebel nung target mo at ng mukha mo. itiklop ang hinliliit. kusang susunod dito yung palasinsingan. oo, sumusunod talaga. ngayon tatlong daliri na lang ang matitira. itiklop mo na din ang iyong hinlalaki. ngayon, dito sa porma na ito ay mapapa-isip ka na. naka-pormang "peace sign" na kasi ang kamay mo, ang mga daliri mo. iti-tiklop mo na lang yung hintuturo, insulto nang umaatikabo. sa panahon na ibababa mo na yung hintuturo mo, tingan mo yung target mo. tingan mo kung malaki ba katawan. malakas kaya manuntok? ex-konbik kaya? obserbahan mo. dahil sa isang tiklop ng daliri mo, maaaring magbago ang buhay mo.

"peace man!" o "fu*k you!"?

kung may atraso sa'yo yung tao, wala na ba'ng tsansa na mapatawad mo pa? kung naiinis ka dun sa target mo, gusto mo ba'ng mainis din siya? kung binigyan ka din nun nang umaatikabong "dirty finger", bibigyan mo din ba dapat siya? yan. yan ang isipin mo bago mo itiklop ang iyong hintuturo. yan ang isipin mo bago mo siya tawagin at pakitaan ng matayog mo'ng middle finger.

hindi mo matatalo ang apoy gamit din ang apoy. para masugpo mo ito, kailangan mo ng tubig. hindi mo kailangan saktan ang mga nilalang na sinaktan ka din. ang kailangan mo ay ipagamot yung parte kung saan ka nasaktan. kapag sinaktan mo din kasi yung nanakit sa'yo, talo ka kasi may sakit ka na. kaya pagaling ka muna.

ngayon, ititiklop mo na ba yung hintuturo mo? o pananatilihin sa pormang mapayapa. sige ka, malulungkot yung middle finger mo pag iniwan mo yun mag-isa.

kung bakit nakaiinsulto yung tinatawag nila na "dirty finger" ay di ko alam. tulad ng, bakit kailangan na may mag-away?

Sunday, March 28, 2010

Kapag Namatay Ang Dahon

linggo kasi.

kung hindi isinilang si Rizal, baka tuluyan nang nabulag ang kanyang ina at malaki ang tsansa na Spanish citizens na tayo ngayon. kung nakunan si Mama Mary, si Lucifer siguro ma-bo-bore dahil wala siya'ng maaasar at mang-chi-chixx na lang at di na gagawa ng kasamaan. kung hindi siguro nag-tagpo ang landas ng ama at ina ni Lady Gaga, mas payapa siguro ang mundo at walang magugutom. o hindi din?

ako kaya? kung hindi kaya ako pinanganak?

siguro mas maluwag ang buhay ng pamilya ko. naka-labing-tatlong taon din ako sa eskuwelahan. madami-daming tuition at baon din siguro ang madadagdag sa budget nila. isama pa dun yung gastos pag may sakit ako. pati na din yung mga kupit ko. siguro yung mga kakilala ko, wala, ganun pa din. teka, wala naman ata ako kakilala? hmm.. si Aling Gina mawawalan na ng kasuki. walang bibili sa kanya ng dalawang stick ng banana cue araw-araw. ahh, yung mga klasmeyt ko nung hayskul. wala siguro sila mapapag-libangan pag recess taym. wala kasing may kaya na i-rap yung mga kanta ni Eminem nun at yung parts ni Mike Shinoda sa Linkin Park, ako lang. siguro, yung Prof ko sa Drawing 3 at Anatomy, wala din aasarin. hindi siguro niya maririnig yung lukutoy na lagi sinasabi yung, "ang garaa.". siguro, si Asi na aso namen dati, napunta sa mabuting amo at nabuhay ng mas mahaba. ako kasi pumilit sa nanay ko na dekwatin yun sa kapit-bahay pero, di ko naman naalagaan. mas mainam din siguro sa planeta kung di ako isinilang. medyo madaming utot at kalat din ang napakawalan ko. dagdag din yun sa carbon footprint ko. siguro, walang magtuturo sa pamangkin ko na pag may umaway sa kanya, ang sabihin e, "peace man!" para lubayan siya. sakin lang din naman niya ginagamit yun. loko yun. siguro ganun nga at madami pa'ng iba.

mas mainam siguro sa planeta. sa Pilipinas. sa pamilya. sa mga taong nakasalamuha. mas mainam kung di nila ako nakilala. ikaw? huwag mo ko'ng gayahin. hindi pa huli ang lahat para gawin ang pakinabang mo.

Saturday, March 27, 2010

Hindi Ako Anghel, Ako ay Demonyong Papel

magtago ka na.

lahat daw tayo ay anghel na ipinadala ng Diyos na nag-sisimula sa malaking titik D dito sa lupa, na kailangang gumawa ng sangdaang kabutihan para muling makabalik sa kalangitan. kung sino ang nag-sabi saken niyan o kung saang sekta ng Relihiyon ko yan napulot, hindi ko na maalala. ang naalala ko lang ay yang gintong aral na yan. naalala ko kasi.. cute?

sabihin mo yan dun sa kontestant ng WOWOWEE nung isang araw. isang ina na mangangalkal ng basura. kasama yung dalawang anak niya. sumayaw silang tatlo. sumayaw na parang mga wala sa katinuan. sumayaw hindi dahil talento nila yun, kundi para masiyahan sa kanila yung host, yung mga mayayamang OFW at yung iba pa dun sa studio na yun na maganda ang mga ilaw at may mga seksing babaeng gumigiling-giling. para masiyahan sila hindi dahil sa magaling sumayaw yung mag-iina, kundi para tawanan sila dahil mukha silang tanga. sumayaw yung mag-iina na yun para sa limang libong piso. para sa tsansang makapag-uwi ng isang milyong piso sa Jackpot round nang nasabing programa. sumayaw sila para pag-uwi nila sa kanila, ma-ikuwento nila kung gaano kaganda dun sa studio na yun at kung gaano kabango yung host at yung mga manunuod. parang langit. heaven. paraiso. yeaaaah.

ano na nga ulit yung sinasabi ko nung umpisa?

kung alam lang nung mag-iina na yun na ang kailangan lang eh gumawa ng sangdaan na kabutihan para makabalik sila sa langit. kung alam lang nila na hindi naman talaga pinakikinggan ng mga tao ang ma-drama nilang kuwento. kung alam lang nila na hindi sila pinapalakpakan dahil magaling silang sumayaw. kung alam lang nila na hindi langit yung studio na yun kung saan sila sumayaw. kung alam lang nila na ang kailangan lang ay sangdaang kabutihan para makabalik sa kanilang pinanggalingan. kung alam lang nila sana.

pinatay mo ba yung ilaw mo kanina? cute yun. dapat ginawa mo para cute ka din.

bye. babalik na ko sa impyerno. tss.

Friday, March 26, 2010

Sa Mundong Ito

patalastas.

sa mundong ito, kung saan ang mga panget, bakla at matataba ang pinakamainam na komedyante. sa mundong ito kung saan ang makikinis na balat na nakabilad ang mainam na imahe, dapat pa ba na mag-malasakit?

sa mundong ito, kung saan ang lupa ay dinidiligan ng dugo upang mapausbong at mapatayog ang makabagong arkitektura at teknolohiya. sa mundong ito, kung saan ang mas nakararami ay binabalewala, kailangan pa ba ng hustisya?

sa mundong ito, kung saan hindi na kailangan ng puso dahil andiyan naman ang bi-ag at pu-ke para sa mga nais umibig. sa mundong ito kung saan ang utak na nalaglag ay mahirap nang ma-iangat kasabay ng mga kaluluwang puwede nang itapon dahil ligaw na ligaw na, kailangan pa ba ng patnubay?

sa mundong ito, kung saan ang mga nilalang ay nakatingin lang sa salamin oras-oras, minu-minuto, segu-segundo, para hindi sila madapuan ng langaw. sa mundong ito, kung saan ang bagay na kailangan at dapat talagang gawin ay walang laban sa pag-papaunat ng buhok at pag-tatanggal ng tagyawat, kailangan pa ba ng makakain?

sa mundong ito, kung saan puro dibisyon at puro rebolusyon ang kailangan. sa mundong ito kung saan ang mga nilalang ay gusto ng pag-babago dahil mukhang bitin pa sila sa dami na ng nagbago. sa mundong ito kung saan lahat ng nilalang ay gustong pumunta sa kalangitan, dapat pa ba na mag-alala?

sa mundong ito, kung saan, ISANG *?#@! ORAS lang ang kailangan para daw magawa mo ang PARTE mo. kung saan, pagtapos ng ISANG *?#@! ORAS na yun eh muling susugatan natin ang mundong ito, kailangan pa ba natin ang mundong ito?

kung may malasakit ka pa para sa mundong ito, patayin mo daw ang ilaw mo sa loob ng isang oras, bukas, Marso 27, 2010, 8:30-9:30PM. kapag ginawa mo yun, pupunta ka daw sa langit at mabubuhay nang walang hanggan. amen? *?#@!

sa mundong ito.

May Tatlong Unggoys

unggoy with an S.

may tatlong unggoy. tatlong poging unggoy. may tatlong unggoy. unggoy, unggoy, unggoy. alam mo na? naiintindihan mo na? ok.

may tatlong unggoy. yung pang-una nakaturo sa'yo. nakaturo sa'yo habang nakapikit ang mata. nakaturo sa'yo habang nakapikit ang mata at tumatawa. yan ang pang-unang unggoy. tinatawanan ka kahit hindi ka nakakatawa. tinatawanan ka kahit hindi ka kilala. tinatawananan ka kahit hindi ka nag-papatawa. tinatawanan ka kahit hindi ka nakikita. pang-unang unggoy.

yung pangalawang unggoy. nakataas ang kilay. nakataas ang kilay at may busal sa bibig. nakataas ang kilay at may busal sa bibig na pumipigil sa kanya sa pag-dura. mas masahol ang unggoy na ito kesa dun sa nauna. ang unggoy na ito, umaatake pero hindi mo namamalayan at nadarama. ang unggoy na ito ay higit na mapang-alipusta. puweh sabi niya. puweh pero hindi niya magawa.

ang pangatlong unggoy. ang pangatlong unggoy ay puno ng luga ang tenga. puno ng luga ang tenga at may tutuli pa. puno ng luga ang tenga na may tutuli pa at walang naririnig kundi ang sarili lang niya. kahit wala siya'ng naririnig, ang mga komentaryo niya ay mali-mali. dahil wala siya'ng naririnig, sa tingin niya ay ang mga komentaryo niya ay tama. tumpak. absolut trut. walang palya. matalim ang dila at parang sirang plaka. akala mo magaling, hindi niya alam, puno ng luga at tutule ang kanyang tenga. ang pangatlong unggoy kawawa.

nakatira sila sa kagubatan kung saan madami ang walang pakinabang. ang tatlong unggoy na ubod na napakainam. ang tatlong unggoy na walang kaalam-alam. ang tatlong unggoy na dumudungis sa sarili nilang pangalan. ang tatlong unggoy na walang ibang nakikita kundi ang kahangalan ng tatlo pa'ng unggoy sa kanilang harapan.

ayokong mag-pagupit, ayokong mag-suklay. wala ako'ng pakealam sa sasabihin niyo. wala ako'ng pakealam dahil kayo ang tatlong unggoy, pati ako.

hee-hee! hoo-hoo! ungga! ungga! sisbumba!

Thursday, March 25, 2010

Gatas na Condensada at Pandesal de Pugon

tss.

ang mga tala ay hindi gumagalaw. hindi ito nawawala, hindi ito nakakita tuwing gabi lang. ako ang nawawala. ako ang lumilipat ng puwesto. ako ang malikot pa sa bulateng nabudbudan ng asin at inihian ng aso. pero, sila pa din ang may kasalanan. ang mga tala pa din ang may sala kung bakit hindi ko sila nakikita kapag pumipikit ako at hinihiling na bumagsak sila. kasalanan nila. kasalanan nila kasi hindi nila ako tinitingan tulad ng pag-tingin ko sa kanila. hindi nila ako napapansin dahil malayo ako at humahalo sa basura at patay na daga ang imahe pag minsan na sila ay tumingin pababa. kasalanan nila kasi hindi nila ako hinahanap. hindi nila alam na may isang tulad ko, nandito, nag-iintay sa kanila, araw-araw na sila ay pinag-mamsdan at humahanga sa kanilang ganda. buwiset kayo. buwiset. kung bakit ba kasi lagi niyo'ng natatawag ang aking atensyon. kung bakit kasi hindi ko mapigilan ang sarili ko na kayo ay pag-masdan. bakit kase kayo, andiyan sa taas, hindi niyo ba ako puwedeng isama diyan? gara niyo. gara. kayo na maganda. kayo na ang makinang. naiinis ako pero hindi ko pa din mapigilan, ang mamangha, matulala. hindi niyo ako kilala. hindi niyo ako hinahanap. ako ay isa lamang sa kalat dito sa madumi naming planeta. kaya hindi ko kayo mahal eh. kahit maganda kayo di hamak kesa sa buwan, sa buwan pa din ako. sa buwan pa din dahil kahit maliwanag ay nakikita ko pa din. ang buwan talaga ang mas mabuti senyo. kahit di kumikislap, kumukutitap, eh nakikita niya ako. nginingitian niya ako. hindi siya madamot tulad niyo. tinitiis niya ang mainit na sinag ng araw para lang matanglawan kami dito. hindi katulad niyo na malakas mang-asar na parang, tinatawanan ako pag ako'y nahihirapan. gara niyo. hindi kayo gumagalaw, hindi kayo umaalis. wala kayo'ng ginagawa kundi mag-masid lang. hindi niyo alam na andito ako, buhay, nag-iintay. palamuti lamang kayo mula dito sa aming malawak na basurahan.

gutom na ako. gusto ko ng Alaska condensed milk at pandesal.

Wednesday, March 24, 2010

Tule Para sa Tunay na Lalake

tuli ka na ba?

ano ba para sa mga nilalang ngayon ang depinisyon ng isang tunay na lalake? ikaw? tunay na lalake ka ba? wushoo. gaga.

ngayon, ang tunay na lalake ay umiinom ng alkohol. umiinom kase wala lang, gusto lang. cool kasi. pagtapos uminom, su-suray suray, hanap ay away. dati, ang mga tunay na lalake, pagtapos uminom, sumusulat ng mga tula na may labing-apat na linya. nakakasulat ng isang chapter sa kanilang nobela. yan ang epekto ng alkohol noon. ngayon ay sangkaterbang mura at masansang na salita. mga gawain ng tunay na lalake.

ang tunay na lalake ngayon ay may tattoo. may tattoo sa kanilang mga masels na produkto ng pag-jiGym nila. mga tattoo na parang kendi, tinuro nila sa mga naka-display sa pader ng isang tattoo shop at binili. noon, bago ka magka-tattoo, kelangan pumaslang ka muna ng isang oso. o di kaya, kelangan mo muna makuha ang respeto bago burdahan ang hindi makinis, kundi magaspang na katawan. ang tunay na lalake nga naman.

ang tunay na lalake ngayon, madaming babae. madami din abandonadong anak. madaming chix at alam ng mga kabarkada niya lahat tungkol dito. nuon, madami din chix ang tunay na lalake. pero, walang umiiyak at walang abandonadong anak. sa madaling salita, ang tunay na lalake ngayon, babaero, noon, romantiko. suwabe pare.

ang tunay na lalake ngayon madami. sama-sama. ang tunay na lalake ngayon, nanggu-gulpi ng mas konti ang bilang sa kanila. noon, ang tunay na lalake mag-isa lang. walang takot kahit walang kasama at kayang tumalo ng lima kahit mag-isa kahit hindi siya si FPJ.

ang tunay na lalake ngayon ay pogi. may baon na powder at suklay sa bag at ayaw mapawisan. malambot ang kamay at walang peklat sa katawan. noon, ang tunay na lalake hindi nag-susuklay. walang arte. walang pakealam kahit mabilad sa ilalim ng araw at pawisan nang napakainam. barako.

yabang. nag-uumapaw na ego. hindi lumuluha, tingin sa sarili ay santo. yan ang tunay na lalake ngayon pare ko.

Tuesday, March 23, 2010

Masarap Kamutin Ang Puwet

ekstatik.

pasado ala-una ng hapon nang magising ako pero makulimlim, sa huwebes may bagyo, mahangin, uulan sa loob ng linggong 'to.

yung uhaw na lupa, mapapakain na ang mga gutom na mag-lulupa. yung nag-titinda ng samalamig, mag-papaubaya muna sa mag-lulugaw at mag-tataho. yung nag-titinda ng banana cue baka madamay pero meron pa din naman sigurong kikitain. yung nag-titinda ng sigarilyo, baka magulat at mabasa ang paninda niya.

nagising ako pasado ala-una. karaniwan, pawis ang singit at pakiramdam ko ay malagkit. pero dahil makulimlim at tanaw ko na yung mga ulap na maitim, medyo malamig at nakakakilig. brr.

sa panahon kung kelan bihira ang ulan, madaming nag-rereklamo na mainit at maputik, madaming naninisi at madaming gumagawa ng kabutihan kuno, mapa-pakamot ka na lang sa puwet. ang sarap. lalo na pag pinasok mo mismo ung kamay mo sa loob ng shorts at pinatagos sa brip mo'ng butas habang umiinom ng kape. isang umaatikabong, ye. yeaaaah.

nag-hahanap buhay sila para may maisilid sa sikmura. nag-kakamot ako ng puwet dahil masarap. nag-susuot sila ng jacket kasi maginaw talaga at hindi para pumorma. nag-kakamot ako ng puwet kasi masustansiya. gumagawa sila ng kabutihan kasi yun ang tama, hindi nila ginagawa yun para sa kapalit na reward o para sumikat. muli, nag-kakamot ako ng puwet kasi wala ako'ng magawa.

nagising ako pasado ala-una. ngayon ay mas madilim na kesa kanina. alas-sinco na ata, nakikinig ng radyo, nakikinig ng patalastas pam-pulitiko, pinakikinggan ang mga niyang kabutihan, ang pakikipag-usap niya sa mag-tataho, mag-lulupa, mag-lulugaw, nag-titinda ng banana cue at iba pa. pinakikinggan ko habang iniintay mag-korteng demonyo ang maitim na ulap at bumuga ng tsunami habang umiinom ng kape at siyempre, mag-kakamot ng puwet.

masarap mag-kamot ng puwet. uhh. yeaah.

Sunday, March 21, 2010

Pangarap Ko'ng Burol

hindi jackpot, kundi burol.

ayoko ng madaming tao. gusto ko madaming kape, yung walang betsin. kape lang talaga. basta, ayoko ng madaming tao. umm, wala naman talaga sigurong pupunta? wala naman ako masyadong kakilala. kung meron man, siguro mga kamag-anak at mga kaibigan lang ng kamag-anak ko kasama ang mga kamag-anak nila at mga kaibigan ng kamag-anak ng kaibigan ng kamag-anak ko lang. kaya, wag na lang. hindi naman nila ako kilala at wala din naman ako'ng balak kilalanin sila. tss.

ayoko ng may umiiyak o may malulungkot. ayoko ng umagos ang luha para sa aken. sa parte ko siguro, masarap makita na iniiyakan ako, pero, para sa kanila na umiiyak, baka mahirap para sa kanila. kahit tawanan nila ako ayos lang. patay naman na ako, walang makakikita kung malulungkot ako o iiyak pag nakita ko na hindi ako iniyakan. sapat na yun. ako lang naman ang masasaktan. ok na yun. ako lang ang iiyak, di ako dapat iyakan.

ayoko ng mga bulaklak pampatay. ayoko ng sisiw sa kabaong ko. ayoko ng kabaong. ayoko sa punerarya. ayoko na magkaron ng sakla. ayoko ng lamay. ayoko pala ng burol. ayoko ng kapeng may betsin. ayaw ko po. huwag po please, huwag po.

gusto ko'ng mamatay mag-isa. ayoko ng may makakikita o makakaalam. ayokong iyakan. ayokong may malungkot. ayokong may makaramdam na sila ay aking iniwan. gusto ko mag-isa ako sa araw na yun. sa ilalim ng puno siguro. may tangan na isang pitsel na kape. sa ilalim ng isang puno sa isang munting burol kung saan matatanaw ko ang pag-lubog ng araw at pag-litaw ng buwan ng sabay. sa ilalim ng puno kung saan mabubulok ang aking katawan at magiging pataba para sa puno na aking sinandalan. mag-isa. walang luha. walang lungkot. walang kabaong. walang libing. walang tao. walang malungkot. ako lang. ako lang dapat. ako lang ang puwedeng sumalo sa hirap na mawalan ng mahal sa buhay. balato niyo na sakin yun.

ayoko pala ng burol. hindi pala dapat ako mangarap ng burol. gusto ko lang, kape na walang betsin.

Friday, March 19, 2010

Drowing Gamit ang Letra, Imahinasyon

yo. kumuha ka ng lapis at papel.

isang malaking bilog. yung pinakamalaking bilog. mas malaki pa. tama, isagad mo na. sidlan mo ng isang tuldok. at isa pa. isa pa ulit. kahit saan. tuldok lang ng tuldok. madami. punuin mo. huwag ka'ng titigil. sige pa. punuin mo pa. manggigil ka. tuldukan mo na yan! tapusin na yan! mapupuno na yan! HUWAG KA'NG HIHINTO! SIGE, MAGALIT KA! SIGE PA!

tapos na? tapos ka na? ok. tama na. hingang malalim. mag-relaks ka na. guguhit pa tayo. yan pa lang ang simula.

isang linya sa gitna at sundan mo agad ng isa. hatiin mo ang bilog nang walang patumangga. mas madaming hati, mas masaya. ang bilog na puno ng tuldok, hatiin ng hatiin ng hatiin pa. kung sa tingin mo ay madami nang dibisyon ang iyong nagawa. tama na. relaks ka na.

hindi pa tapos. yan pa lang ang simula. pag-masdan nang mabuti. haplusin. damhin. ituloy na natin.

kumuha ng krayola. maganda siguro yung asul. simulan mo'ng punan, yung mga espasyong hindi mo na-tuldukan at na-linyahan. siguraduhing hindi malalagyan ng asul na pinta ang mga tuldok at linya. dahan-dahan. gawin ng walang pag-aalinlangan. siguraduhing pag-tapos mo, ang laman ng bilog ay mga tuldok at linyang lumulutang sa asul na kulay. siguraduhin mo na matapos mo'ng punan ang mga bakanteng espasyo, suwabe na sa pananaw ang iyong munting globo.

tapos na. tapos na tapos na. ang munti mo'ng mundo gamit ang papel, lapis at krayola. tapos na. tapos na tapos na. ang munting globo na hinulma gamit ang mga letra.

walang saysay at walang tigil. walang kuwenta, walang kuwenta talaga. puwede mo nang lamukusin at itapon sa basura. paalam. paalam na. paalam malupit na mundo na madaming tuldok at linya na lumulutang sa kulay asul na krayola. paalam mga salita na humubog sa globo at nag-silid dito ng basura.

ngayon, bumalik ka na sa kung ano ang ginagawa mo. ngayong nabasa mo na ito, itanong sa sarili, "pag-tapos, ano natutunan ko?"

wala. hehe..

Thursday, March 18, 2010

Masakit pala sa Tiyan ang Expired Cheesebread

deds.

habang nanunuod ng Discovery Channel kaninang madaling araw tungkol sa isang matandang imbentor na may blueprints na para maging imbisibol, habang iniisip kung ano ang pag-ibig, habang hawak ang cellphone at nagdi-DL ng porn, habang.. wala. nagutom ako. dating gawi, kuha ng pera sa bag ng tulog ko'ng ina, pumunta sa 24 hour store, hinanap ang paborito ko'ng midnayt snack, "Marby's Cheesebread".

karaniwan, yung bite size lang ang nilalantakan ko. P18 lang pero, medyo bitin. dahil P50 ang nadekwat ko, siyempre, yung big time ang binili ko. P49, may sukli ako'ng piso. tama, hindi ko binalik ang sukli kay inay. tulog siya eh. shh.

sobrang gutom, sobrang daming iniisip, sobrang asar dun sa matandang imbentor dahil wala pa pala siya'ng finished product nung imbisibiliti formula niya at sobrang asar dahil 2MB lang ang memory ng phone ko. dahil dun, walang awa at walang patumangga ko'ng nilantakan ang pinaka-paborito ko'ng midnayt snack, "Marby's Cheesebread". P49, solb ang gutom, may sukli ka pa. may laman na sampung piraso. niyari ko yung anim. sunod-sunod. yung apat, almusal ko bukas. yebaa. tulugan na. 5AM na.

alas-dose ng tanghali, naalimpungatan, sumasakit ang tiyan. nakapikit na dumeretso sa banyo at dun ko nilasap ang pinaka-mapait na 45 minuto ko ngayong araw. natutulog ako habang sumasakit at tumitilamsik sa aking puwitan ang malamig na tubig mula sa aking kina-uupuan, habang nag-iisip, habang sinasariwa ang mga naganap kaninang umaga, habang pinag-papawisan ng 'sangkaterba. yebaa. solb.

sa buhay, pag ikaw ay problemado't malungkot, humahanap tayo ng gamot. kahit pansamantala lang, go. kung ano yung andiyan, go. sa sobrang pagka-desperado, nakalilimutan natin tingan na baka yung bagay na akala natin ay lunas sa ating karamdaman, lagpas na pala sa best before date nito at mag-dudulot ng sakit ng tiyan.

di ko na kinain yung tira. ang nakakatawa, ang aking ina, ,ay binili na tasty at peanut butter ang palaman.

Wednesday, March 17, 2010

Mansanas sa Bunganga ng Lechong Baboy

para saan?

pinatay mo na. kinatay mo na. hindi mo pinakinggan ang mga hinagpis niya. binuksan ang tiyan, nilapastangan. sinidlan mo na ng iba't-ibang klase ng pampalasa. tinuhog mo, mula puwetan patungong bunganga. pinaikot-ikot sa nagbabagang uling habang pinapahiran ng mantikilya. hanggang sa mamula ang balat. namatay nang nakanganga at dilat. pinasakan mo pa ng mansanas ang bunganga. para saan? kulang pa ba yung mga nagawa mo'ng pag-lalapastangan? kelangan ba talagang dekorasyonan ng karagdagang kahihiyan? tao ka nga. tao!

utak ipis, ugaling talangka, masangsang na isda, mabahong daga, bird brain at baboy. hindi na tayo nahiya. ikumpara ba naman ang mga negatibong ugali at katangian ng mga tao sa mga hayop na walang muwang? tao ka. aray ko. tao ako. pweh.

ewan ko lang ha? ewan ko lang. kung bakit ba may tao. ewan ko lang, pero sa tingin ko lang, hindi nilikha ang tao para sa ibang nilalang kundi para lang sa sarili niya'ng kapakanan. sino ang baboy? ang mga baboy lang. sino ang may crab mentality? ang mga talangka lang. sino ang utak ipis? ipis lang. sino ang mahirap pa sa daga? mga daga lang. sino ang baboy at nag-uumapaw sa kababuyan? ooops. hindi ikaw, ako o kahit sino pa'ng tao, kundi mga baboy lang. kala mo makakatakas ka sa realidad na isa ka'ng kasuklam-suklam, nakadidiri, walang kuwenta, pabaya, walang galang at inutil na T-A-O! tao ka. tao ako. tao tayo. wala tayong takas. yan ang ating sumpa. yan ang ating kargo. ang pagiging tae. ay, tao pala.

ngayon, huwag ka'ng mahihiya kung may tumawag sa'yo na baboy. hayaan mo ang nag-sasabi na para kayo'ng mga daga, mukhang unggoy, utak ipis at kung ano pa man. matuwa ka kasi, hindi ka tao. wow pare, hindi ka tao. wow pare, ambigat mo. wow pare, aray ko, kasi, tao ako.

may mansanas sa bunganga ng baboy. sino ang kumakain nun? yung baboy siguro. baka daw magutom siya pag punta niya ng langit kaya nilagay yun doon.

pweh. tao ka? eew. kadiri tayo.


back

Tuesday, March 16, 2010

Ang Mga Pogi, Pogi Nga

mag-uusap ako.

kamusta? ok ka lang ba? gabi na naman no? alam mo, badtrip ako kaninang umaga.

"Isang ina, sinilaban ang kanyang apat na anak. Mamaya yan sa pag-babalik ng Umagang Kay Ganda." (background music plays. sign na komersyal na. "basta't tayo'y, magkasama..", pa-fade out. pahina ng pahina. pahina ng pahina.)

yan yun pare. habang nakapikit at ninanamnam ang mainit na pandesal at pinakikinggan ang awit ng mga maya, ginulo ako ng mga linyang yan na narinig ko lang mula sa TV ng kapit-bahay. wasak talaga pare.

oh, ano ngayon? ba't mo saken sinasabi yan? unggoys ka. pak op.

oh teka? badtrip ka din? ano problema dude? baka may maitulong ako? unggoys ka din!

na-alimpungatan ako. bumaba upang mag-CR kanina. tapos men, gulat talaga ko!

baket ka gulat dude? nu meron? hala.

may daga! anlaki tae! kala ko pusang itim! nakasalubong ko pababa ng hagdan! nak ng *@#?! yun! muntikan na ko atakihin sa puso men! buwiset na umaga!

ba't di ka inatake sa puso men? ba't muntikan lang? unggoys ka talaga! ha! ha! ha!

naihi ako sa salawal men. gulat ako eh. ihi talaga. grabe kasi eh. kagulat talaga yung pasok nung dagang yun. buti wala pa'ng gising nun, ako pa lang.

ganun talaga ang buhay pare. gugulatin na lang tayo bigla sa mga bagay na alam naman natin na nandun na, alam mo na, pero, gugulatin ka pa din dahil kahit alam mo na, hindi ka handa at wala ka'ng ginagawa para sa mga ganung bagay. parang yung nangyari sa'yo.

tama ka. pero alam mo, wala pa ko'ng nabalitaang daga na sinilaban ang mga bubwit niya. gara talaga.

tama. magara talaga.

nga pala, ba't di ka natawa? naihi ako sa salawal men? mas natuwa ka pa nung nagulat ako. labyu pare.

lahat naman dumarating sa punto na naiihi sa salawal. madalang lang yung katulad mo na umaamin dude. hindi tinatawanan yun. dapat sa mga ganung tao, kini-kiss. pa-kiss dude.

pakyu.

Saturday, March 13, 2010

May Mais sa Tae ko, Pero Wala Naman Ako Kinain

paano nangyari yun?

naranasan niyo na ba yun? sino ba dito ang pinag-mamasdan mabuti ang Jebs nila? kung ano kulay, itsura, content, nutritional value at kung may nabubuong imahe ba? wala? ok.

kasi, ginagawa ko yun. at laking gulat ko, oo malaking gulat talaga, nung may nakita ako'ng isang butil na mais pero, wala ako kinakain nun? nung isang linggo pa ata? imposible naman na may na-stock na butil at ngayon lang lumabas? WOAH talaga!

parang ganito lang yan eh. parang, nagtanim ako ng puno ng mangga pero ponkan ang binunga. parang gumawa ako ng krimen pero pinuri pa ako at ginawan ng monumento. parang di ako nag-tatrabaho pero sume-suweldo ako. manok ang ulam ko pero mais ang lumabas sa Jebs ko. WTF?!

siguro dahil sa manok? siguro, yun'g kinain ko'ng manok, kumain ng mais. bale, yun'g mais na kinain ng manok ay nakain ko din kasi kinain ko yun'g manok na kumain ng mais? yun'g mais siguro na kinain ng manok ang nakita ko sa Jebs ko? pero, di naman puwet o bituka ng manok ang kinain ko ah? pakpak. tama. maaari ba na ung kinain nung manok na yun e mapunta sa pakpak niya? mali talaga. imposible talaga.

ngayon, bakit may mais sa Jebs ko kahit wala naman ako'ng kinain na mais?

nababaliw na ata ako. siguro, sobra na ako sa kape. masyado ko lang siguro pinag-mamasdan ang lahat, pati Jebs ko, kaya kung ano-ano ang napupuna ko. tama. may diperensiya na talaga ang kokote ko. pero, di ko talaga mapigilan magtaka. paano napunta yun dun? gara talaga.

sa buhay natin ngayon kung saan napapalibutan tayo ng problema. sa sobrang hirap at sa sobrang daming kalamidad na ang nangyayari. sa sobrang daming nag-papanggap na sagot sa problema at siya'ng mag-bibigay ng himala na kailangan natin. hindi na natin napapansin, na sa mga bagay na walang saysay pala matatagpuan ang mga kasagutan, solusyon at himalang ating kailangan. sa sobrang liit, hindi natin nakikita, na teka, BAKIT MAY MAIS SA TAE KO? HINDI NAMAN AKO KUMAIN NUN AH?

Wednesday, March 10, 2010

Makulimlim na El Ninio

giniginaw ako. grabe.

ginaw no? ang sarap mag-kape pag ganito ang panahon. panalooo. kawawa yung may mga air-con, di niyo yan magagamit. isang malaking BELAT! para sa inyo.

mas gusto ko talaga pag ganito ang panahon. walang ulap pag gabi, makulimlim pag-sapit ng alas-dos ng hapon, mahangin pag tanghalian na, (subukan mo manuod ng WOWOWEE, ang ginaw pare.), sarap matulog, ang sarap mag-hybernate. panalo. lamig talagaaa.

ayos lang yung mga rotating brown outs. duh? ginaw kaya. pag wala kuryente, sarap makipag-takbuhan sa labas! ayos lang din mawalan ng tubig no? ang ginaw eh! hindi nga ako pinag-papawisan, ba't kelangan maligo pa? panalo talaga.

cool na cool. namnam na namnam ko ang hinihigop ko'ng kape sa mga oras na ito. *slurpppp* ahhhhh. panalo talaga mga pare ko. sabayan mo pa ng "No Woman No Cry" ni ginoong Bob, wala ka ng hihilingin pa. salamat talaga. salamat sa mga ulap na tumatabing sa UV rays na ibinabato ng araw. salamat sa sariwan hangin na ipinapasa sa akin ng puno ng mangga sa labas. salamat talaga dahil wala kaming air-con, hindi sayang ang pera namin. salamat po.

naaawa lang ako. naaawa sa ibang tao. bakit sila nag-rereklamo? ang init daw? mga manhid? ako dito halos manigas na sa ginaw, sila naiinitan? di nga?

nung pag-labas ko kanina nung bumili ako ng bigas, andaming naka-payong. baket? nag-tatampo sila sa katiting na sinag ng araw na tumatagos sa mga ulap? may sumisigaw pa na, "walangyaaaa ang init!", sa palengke. nge? di naman. bakit ganun?

kung may dapat mag-reklamo, alam ko hindi dapat tayo yun. kung naiinitan ka, wag mo sisihin ang araw. ang El Niño. kung naiinitan ka, sisihin mo sarili mo.

naaawa ako sa puno ng mangga. ung berdeng-berdeng dahon niya, nababawasan na ang kulay. naaawa ako sa lupa. di na siya nadadalaw ng ulan. pero wala silang reklamo. kaya, damayan ko na lang sila. i-imadyinin ko na lang, maginaw. para patas kami.

Stir it Up.

Monday, March 8, 2010

Mas Madali ang Buhay Kapag Nakapikit Ka

barquillos at kape.

posibilidad laban sa realidad. kanino ka kakampi?

pag kumapit ka lang sa realidad, hindi ka marunong pumikit. pag realidad lang ang titingan mo, mapapako lang sa mga bagay na akala mo ay mabuti sa'yo.

pag tiningan mo naman ang mga posibilidad, magiging mas bukas ka. liliwanag ang kokote mo at maiisip mo, lahat ng bagay, kahit imposible sa iba, magiging posible pag pinaniwalaan mo talaga. ganyan kalakas ang posibilidad.

ang realidad, minsan ang lakas maka-loko. akala mo, tunay at totoo, di mo alam, di mo pansin, may magagawa ka pa pala na higit pa dito. malupit ang realidad. ginagapos ka nito.

sa posibilidad, malaya ka. magiging mas malaya ka pa sa mga alon sa dagat. mas magiging dalisay ka pa sa hangin tuwing bukang-liwayway. ganyan ang posibilidad pag natutunan mo ito'ng yakapin at pag-masdan. heaven pare.

minsan, mas mainam pumikit. pumikit at mag-isip. mas mainam ito kesa nakakakita ka nga, takot ka naman at mapapako. di ka makakilos dahil nakikita mo na yun ang realidad. mas mainam pumikit. mas madali ang buhay pag nakapikit ka at nakararamdam. malayo ang mararating mo. mas malayo pa sa kayang tanawin ng mata mo. lahat posible pare.

posibilidad laban sa realidad. kanino ka papanig? sa tingin mo ba, hanggang diyan ka lang? hindi ka ba naniniwala, na puwedeng magtanim ng puno sa buwan? di ka ba marunong mangarap? igagapos mo na lang ba ang sarili mo at hahayaan mo na barilin ka sa likod ng realidad? lahat posible pare. lahat puwedeng mangyari.

minsan, subukan niyo'ng pumikit. kahit sandali lang. pumikit kayo at mag-masid. hayaan niyo na haplusin kayo ng mga bagay na hindi nakikita ng realidad. ang sarap nun pare. pumikit at mahaplos. magpa-haplos kayo sa mga pangarap niyo na akala niyo ay imposible. pumikit at mag-isip. lahat ng puwedeng isipin, isipin niyo lang. dahil, sa pag-iisip, nag-sisimula ang pag-kilos, pag-gawa, pag-ibig at marami pa'ng iba.

kape pa pare.

Friday, March 5, 2010

Buhay, Pag-ibig at Programang Baduy

paano mo malalaman?

may napanuod ako sa telebisyon, isang celebrity na itatago ko na lang sa pangalang "Pepot", ang nag-kukuwento tungkol sa pagiging mausisa niya nung bata siya. ganito yun.

tinanong daw niya yung lola niya. sabi daw ni Pepot, "lola, paano niyo po nalaman na si lolo na yung tamang lalaki para sa inyo?". sabi daw ni lola niya, "kasi, naramdaman ko na mahal ko siya.". tanong agad ni Pepot, "paano niyo po nalaman o naramdaman na mahal niyo siya?".

paano nga ba malalaman yun? paano mo malalaman na mahal mo ang isang tao at siya na talaga ang habambuhay mo'ng kasama? hindi ka iiwan kahit maputi na ang buhok mo ika nga nila, tulad nung lola at lolo ni Pepot? teka, tuloy ko na.

ang ginawa daw nung lola ni Pepot ay tinuro yung puno sa labas ng bahay nila at sinabi na, "naniniwala ka ba, na sa puno na yun ay may pag-ibig?". enbayronmentalis si Pepot at mahilig sa puno kaya mabilis niya'ng naitugon na, "opo.". sabi daw ni lola, "ganoon ko nalaman Pepot. alam mo, sa mundong ito, may mga bagay na hindi mo kelangang makita o ipaliwanag pa sa'yo. mararamdaman mo lang yun sa sarili mo. sa ganoong paraan ko nalaman na yung lolo mo na ang huling lalake para sa akin.". ganoon. sa ganoong paraan daw naliwanagan si Pepot tungkol sa buhay, pag-ibig at kalikasan.

wow. heavy yun. ano natuklasan ko?

natutunan ko, na kapag naniniwala ka sa isang bagay gamit ang buong puso mo at naramdaman mo ito talaga, hindi mo na kailangan ng paliwanag. naunawaan ko na ang mga bagay na ganoon ang pinaka-importanteng sangkap para ma-kumpleto ang pagkatao mo. ibang klase. panalo.

bukod pa pla dun, natutunan ko din na mainam mag-tanong sa mga lola tungkol sa mga bagay na di mo maintindihan at higit sa lahat, mainam pala na manuod paminsan-minsan ng mga talk show na pang-nanay. gara.

maniwala at makiramdam.

Thursday, March 4, 2010

Katawa 'to, Peksman!

epekto lang ng isang awitin ng the beatles.

saan nga ba nanggagaling ang mga malulungkot na nilalang?

ewan ko lang. ano ba pinag-huhugutan nila? malungkot nga kaya sila? gara lang. gara talaga.

pag ba malungkot ang tao, nalalaman mo? we? kung nalaman mo siguro at naramdaman, mild na malungkot lang yun. alam ko kasi, yung mga taong tunay na malungkot at may dinaramdam, mahirap mahuli at makapa. yun. gusto ko malaman kung saan sila nanggaling. bakit ganun? malungkot ka at walang nakakaalam. malalaman lang siguro kung wala na, tapos na, huli na ang lahat. kalungkot talaga.

kapag ba malungkot ka, sinisigaw mo ba sa buong kalawakan? kahinaan yun diba? pero, kahinaan din ata ang pag-tatago nun. gara no? saan kaya nababagay yung mga malulungkot na nilalang?

malungkot ba yung may mga bangs, naka-itim, may eyeliner at laging nakayuko?

sabi ni Van Gogh, sadness is forever. malungkot kaya yun?

si Aling Gina kaya na nag-titinda ng banana cue samen? lagi nakangiti yun. pero, parang malungkot siya eh?

yun kayang namatayan dun sa dinadaanan ko pag pupunta ako ng kompyuter shop malungkot? hindi ata. masaya yung mood dun eh. may saklaan at inuman. o hindi din?

yun kayang pusa na nalaglag yung utak sa kalsada? sinadya niya kaya yun para matapos na yung kalungkutan niya?

si Dolphy kaya nalulungkot din?

kapag ba yung baboy, kinatay sa harap nung kapwa niya mga baboy, sino yung mas malungkot? yung kinatay o yung mga naiwan niya?

saan ba talaga nanggagaling yung mga malulungkot? saan sila nababagay? bakit sa panahon ngayon, pag sinabi mo na malungkot ka, pag-tatawanan ka? sasabihan ka na, "emo!" o, "ang drama mo! huwag ka masyado manuod ng TV!". bakit ganoon?

kailangan ba, umiiyak yung tao na yun para paniwalaan mo? kailangan ba, T_T ganyan? ewan ko.

sabi, pag daw naririnig mo yung, *tic toc* ng orasan, matututunan mo kung paano malungkot.

Eleonor Rigby.

Monday, March 1, 2010

Ang Gara Talaga

alaala lang.

habang nag-aabang ng sasakyan sa waiting shed, may dumating na mama. anduon siya sa kabilang dulo, malayo sakin. buti na lang.

medyo may katangkaran, yung buhok hanggang balikat at parang kay Jack Sparrow yung datingan, kayumanggi ang kulay ng kutis pero madumi, medyo payat, may astig na goatee at bigote, sa loob ng jacket na grey ay t-shirt na itim, naka-shorts lang, madaming rubber band na iba't-ibang kulay na parang bracelet sa kanang kamay, may dalang shoulder bag na kulay brown at tsinelas na hindi havaianas.

"rakista malamang." sabi ko.

nakatingala at tila may binibilang, may hawak na plastik cup sa kabilang kamay. parang may inaantay, kundi ako nagkamali, kumanta pa ng awit ng Tropical Depression. cool talaga.

medyo matagal na ako'ng nag-iintay, wala pa din bus. nakatingala pa din yung mama. medyo nangi-ngiti siya. tumingala din ako, wala ako'ng nakita. ano kaya yun?

may dumating na dalawang lalaki na estudyante ng Nursing o Nars na. ewan ko. biglang tumawa ng malakas yung mama, nakatingala pa din. natawa din yung dalawang estudyante. tumingala ako. wala pa din ako'ng nakita. tiningan ko yung dalawa, hindi naman pala sila nakatingala, nakatingin sila sa mama habang nakatakip ang ilong. nakapagtataka. gara.

wala pa din dumadaan na bus. yung dalawang lalaki, sumakay na ng jeep. kinawayan sila nung mama, kumakaway habang nakangiti. "babay!" sabi niya. tumingala ulit, hawak pa din yung plastik cup na walang laman, ganoon pa din ang tindig at itsura. gara talaga. kaming dalawa na lang ulit.

"bakit ba may tao?" sabi niya. nakatingala pa din. tumingala ulit ako. wala talaga eh. naiinis na ko ah.

"walang dumadaan na bus dito. yun ba inaantay mo? tuwing madaling araw lang sila dumadaan dito." sabi niya. gulat talaga ko. "paano niyo po nalaman na yun inaantay ko?" tanong ko.

"ako lang naman ang nag-aantay ng ulan dito." sabay tingala ulit.

tumingala ako at natawa. gara.