paalis, pauwi.
kontrolado ang hakbang. isa, dalawa, kanan, kaliwa. walang kasing bilis pero hindi umuusad. hindi tumatakbo, naglalakad.
ang inet pare. ang putik ang dami. isang hakbang at isang malalim na hininga. bawat hinto ay mga tanawing hindi puwedeng ipinta.
hindi sa nagtitipid ako ng pamasahe. hindi ako nag-iipon ng barya. gusto ko lang maramdaman umikot ang mundo gamit ang mga paa ko na nakapatong sa tsinelas. na yung tsinelas ang naka-apak sa Planeta. na yung Planeta ang nakadarama ng bigat ng tsinelas. na siya ding bigat na aking dala. hindi titigil, aligagang-aligaga. hahakbang ng hahakbang para makalayas, para makauwi na talaga. uuwi na talaga.
bawal tumakbo, bawal magmadali. hayaan ang natural na kilos ng mga binti. madadapa at babangon kesa ngumawa. pero ngangawa pa din. saka babangon, saka tatalon sa bangin.
bawal pala tumalon, lalakad pala dapat papuntang bangin. patungo sa dulo, kahit malayo, kailangan lumakad pa din. ewan, hindi ko alam. kung bakit kailangan lumakad kahit pagbi-bisekleta ang kailangan para umunlad ang Bayan. ewan. hindi ko alam. kung bakit malamig ang lupa kesa sa konkreto at sementadong apakan. ewan ko. mainam na ituloy na lang ang lakad ko.
dahan-dahan, walang pag-aalinlangan. kahit mapagkamalan na tanga o wala sa katinuan. kahit nakapikit o nakatingala o nakayuko o nakanganga. basta ang mahalaga, nakalalakad, lumalakad at lalakad pa. kahit na pakiramdam mo ay hindi ka naaalis sa puwesto. kahit parang ang bigat na at hindi na kaya ang dala. ngangawa pero siguraduhing lalakad. madadapa pero patuloy na lalakad. kahit may saklay, kahit kailangan na ng kaakay, kailangan lumakad. malungkot kapag wala nang lalakad. hindi na iikot ang Planeta pag wala nang lalakad. walang kuwenta ang patutunguhan, kahit gaano kaganda dun, kahit puno ng kaginhawaan, walang saysay kung hindi ka naglakad. ewan ko. pakiramdam ko lang naman. ewan ko. wala akong pakealam.
magbaon ng tubig.
Tuesday, May 18, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment