right_side

About Me

CURRENT MOON

Followers

random thoughts..

Monday, May 31, 2010

Elephant Katol

magarang bansag.

yung mga istasyon sa telebisyon ang promotor. tatakan ba naman ng Kapuso, Kapamilya, Kapatid, Kabarkada at kung ano-ano pa ang mga manunuod nila. walang kalaban-laban, parang gayumang nakahahalina. parang, pag isinabit nila sa'yo ang mga markang yun e, parte ka na nila. bahagi ng isang malaking industriya, kauri nila. parang otomatikong naging taga-sunod ka na nila na hindi mo namamalayan. hindi natin napapansin, bumibili na tayo ng produkto nila na ang ibinabayad natin ay ang ating katinuan. gara e. oras na manuod ka sa kanila, *shing* Kaungguy ka na. ungguy na walang titik-o.

totoo ang sabi na napaka makapangyarihan ng Media sa sistemang panlipunan. gumagawa ito ng kasalanan na hindi natin namamalayan. hindi natin alam, ninanakaw na nila ang ating kamalayan. kaya nga hindi natin namamalayan pala dahil wala tayong kamalay-malay na ninanakaw na nila ang malay naten? wasak.

oo, oo, minumulat nila ang mga mata natin sa mga bagay-bagay. pero, kasabay nun ay ang pang-uuto, pagtatanim ng magagarang paniniwala sa kokote naten at yun na nga, ang pag-marka sa aten. sila na ang humuhubog sa ating pagkatao. sila na lang ang ating pinaniniwalaan. parang Diyos na ilalaban natin ng patayan kapag may tumabla o umaway sa kanila na ibang sekta. aminin mo na, nakikipag-away ka pag nilipat ng kapatid mo sa ayaw mong istasyon yung telebisyon diba? otomatikong lalabas sa gunita mo ang mga baho at kapangitan dun sa kalaban na istasyon ng sinasamba mong istasyon. lagot ka. nagayuma ka na nila. hindi ba, si Kris Aquino ay parang poon sa paningin mo? na lahat ng salitang sinasabi niya ay matalinhaga para sa'yo? si Willie Revillame ay hulog ng langit para sa'yo? sagot sa kahirapan. iyakan mo lang at ika'y aabutan. ayan na. epekto na yan. lumipat ka muna sa NBN4 para mahimasmasan ka.

magagarang bansag na binabayaran natin gamit ang ating katinuan. hindi ko maintindihang mga tatak tulad ng sa katol, bakit Elephant?

Tuesday, May 18, 2010

Lakad

paalis, pauwi.

kontrolado ang hakbang. isa, dalawa, kanan, kaliwa. walang kasing bilis pero hindi umuusad. hindi tumatakbo, naglalakad.

ang inet pare. ang putik ang dami. isang hakbang at isang malalim na hininga. bawat hinto ay mga tanawing hindi puwedeng ipinta.

hindi sa nagtitipid ako ng pamasahe. hindi ako nag-iipon ng barya. gusto ko lang maramdaman umikot ang mundo gamit ang mga paa ko na nakapatong sa tsinelas. na yung tsinelas ang naka-apak sa Planeta. na yung Planeta ang nakadarama ng bigat ng tsinelas. na siya ding bigat na aking dala. hindi titigil, aligagang-aligaga. hahakbang ng hahakbang para makalayas, para makauwi na talaga. uuwi na talaga.

bawal tumakbo, bawal magmadali. hayaan ang natural na kilos ng mga binti. madadapa at babangon kesa ngumawa. pero ngangawa pa din. saka babangon, saka tatalon sa bangin.

bawal pala tumalon, lalakad pala dapat papuntang bangin. patungo sa dulo, kahit malayo, kailangan lumakad pa din. ewan, hindi ko alam. kung bakit kailangan lumakad kahit pagbi-bisekleta ang kailangan para umunlad ang Bayan. ewan. hindi ko alam. kung bakit malamig ang lupa kesa sa konkreto at sementadong apakan. ewan ko. mainam na ituloy na lang ang lakad ko.

dahan-dahan, walang pag-aalinlangan. kahit mapagkamalan na tanga o wala sa katinuan. kahit nakapikit o nakatingala o nakayuko o nakanganga. basta ang mahalaga, nakalalakad, lumalakad at lalakad pa. kahit na pakiramdam mo ay hindi ka naaalis sa puwesto. kahit parang ang bigat na at hindi na kaya ang dala. ngangawa pero siguraduhing lalakad. madadapa pero patuloy na lalakad. kahit may saklay, kahit kailangan na ng kaakay, kailangan lumakad. malungkot kapag wala nang lalakad. hindi na iikot ang Planeta pag wala nang lalakad. walang kuwenta ang patutunguhan, kahit gaano kaganda dun, kahit puno ng kaginhawaan, walang saysay kung hindi ka naglakad. ewan ko. pakiramdam ko lang naman. ewan ko. wala akong pakealam.

magbaon ng tubig.

Monday, May 17, 2010

Diyaryo

wala nang nagbabasa ng diyaryo.

madalas ko makita ang tatay ko na nagbabasa ng diyaryo at humihigop ng kape dati. sabi ng nanay ko, kaya daw siya matalino kahit hayskul lang ang tinapos niya, kaya daw siya magaling sumulat at mag-ingles, ay dahil sa diyaryo. err, siguro dahil din sa kape.

tuwing bumibili ako ng cheese bread pag madaling araw sa tindahang 24 oras ay bukas, nakakakita ako ng nakatambak na diyaryo. madami. akala ko, diyaryo para sa araw na yun. gulat na lang ako, yung petsa, luma na. walang bumili. wala. matumal ang benta. wala.

siguro, kada isang tao na nasa edad 50 pataas ang namamatay, nababawasan din ang bumibili ng diyaryo. ewan ko lang, pakiramdam ko, wala namang bagets na nagbabasa ng diyaryo. puwera yung mga diyaryo na may mga larawang nakahahalina? hindi kabilang yun sa hanay ng diyaryong tinutukoy ko. may internet na kaya. Yahoo! news. andiyan din ang TV Patrol at 24 Oras. maganda. may mga sound effects, mainam na mga ilaw, haytek na mga touch screens, hologram, mga bias na reporters at iba pang mga bagay na maiinam sa mata at walang kapararakan. teka, bakit bibili ka pa ng diyaryo sa halagang P15? isang oras na yun na pang-internet e. sa TV nga, libre na ang balita.

walang Pugad Baboy at Pupung sa TV. wala yung paborito kong komentarista sa internet. iba ang dating ng taong nagbabasa ng diyaryo at humihigop ng kape kesa sa mga taong nasa harap ng monitor at nakangisi. masarap din sa mata ang makakita ng panay black and white lang paminsan-minsan. at uulitin ko, astig ang imahe ng taong nakadekwatro, malupet ang upo, may tangan na diyaryo at may katabing umaasong kape. panalo talaga.

hindi na din naman ako nakabibili ng diyaryo. siguro, sisimulan ko na mamaya. may naalala lang ako. mainam na alaala na iku-kuwento ko sa mga magiging apo ko. isang alaala, na hindi kailangan ng kung ano-ano pang pa-epek para matuto. para madagdagan ang karunungan. para magaya ang iyong idolo.

diyaryo lang.

Saturday, May 15, 2010

Eksistensya

mainam ata na mamatay ka muna bago ka mabuhay.

wala lang. para lang malaman ang importansya ng buhay, nang paghinga, pagkain, pag-inom at iba-iba pang paraan para manatiling buhay? mga gawain na kailangan para mabuhay. kase diba, yung mga taong muntikan nang mamatay, naiihi sa salawal, natatakot, natatauhan at madaming napagtatanto. na nung nakaligtas sila at natakasan ang kamatayan ay nagbabago at tumitino. bakit hindi kaya ganoon na lang no? ipapasyal muna tayo ni Satanas sa impyerno bago dalhin sa lupa at bigyan ng hininga? astig.

pero teka, kailangan pa ba nun? hindi kaya impyerno na tong kinatatayuan naten? di kaya, ito na yun. yung pasyalan, yung lugar kung saan kelangan mong tumino, matauhan, magbago? tama. siguro nga. ito na nga yun pero madami ang hindi nakapapansin dahil abala sila sa pag-aantay na lumitaw ang panloob ni Anne Curtis sa palabas niya. abala sila sa pagpapadami ng pera, pagwawaldas at tapos, pararamihin ulet. abala sila sa sining na kung tawagin ay buhay. isang sining na akala nila, buhay na sila, yun pala talo pa nila ang amoy ng dyebs na isang linggo na sa inidoro na ayaw lumubog dahil barado. binarahan ng mga bagay na akala nilay ay nagpapatunay na sila ay nabubuhay. tss.

e ano ba dapat ang gagawin dito? paano mo ba masasabi na nabuhay ka? magdadasal araw-araw? magsisimba linggo-linggo? gagawa ng kabutihan dahil kapag daw mabait ka ay mapupunta ka ng langit? maging mahirap, api, sugatan, Bayani at iba pa dahil sila daw ang mga pinagpapala, sila ang magiging mapalad naman pagkatapos nilang maghirap? aba ewan ko. hindi ko alam.

paano ba mabuhay? biyaya ba ito o isang tungkulin, isang mabigat na responsibilidad? sapat na ba ang paghinga, pagkain, pag-inom, pagtulog, pagpasok sa trabaho, magka-anak, magka-apo, magka-apo sa tuhod, magkaron ng kaibigan, para masabi mong nabuhay ka? ano sa tingin mo?

ewan ko. hindi kasi ako sigurado kung buhay pa ako o nabuhay talaga ko. ewan ko talaga. ikaw ba

Friday, May 14, 2010

Doggy Bark!

mahirap turuan tumahol ang aso at mahirap din turuan lumangoy ang isda.

teka, paano mo ba tuturuan? paano mo tuturuang tumahol ang aso kung marunong na siya? paano mo din tuturuan ang isdang lumangoy na simula pagkabata, sa tubig na nakatira? mahirap. kahit limampung tasa ng kape ang isilid mo sa ugat mo, mahirap talaga, imposible ata talaga.

kung ang isang Aristokrat ay sumingit sa pila sa isang establisyimentong nagtitinda ng mamahaling kape, kapag kaya sinita ito ng isang dugyot na nilalang na hindi ko alam kung ba't andun din sa nasabing establisyimento at sinabihan ukol sa tamang asal, makikinig kaya yung Sosyaleng asal-gubat?

kung ang isang estudyante ay may nakabalitaktakang kapwa niya din naman estudyante na hindi kasing galing niya sa klase, na kahit na may punto na yung estudyanteng panay tres lang ang grado. kahit nakalahad na lahat ng dapat malaman nung hambog na kabalitaktakan niya, hindi pa rin siya mananalo. kahit anong paliwanag ang gawin nung kawawang mag-aaral, wala siyang panama sa isang nilalang na sa tingin niya ay alam na ang lahat, hindi patatalo.

kahit kailan, pag alam mo na mas marunong ka sa iba. pag alam mo na mas mataas na uri ka na nilalang, hindi mo na pakikinggan pa yung iba pa na nilalang na sa tingin mo ay mas mababang klase at mas mahina kesa sa'yo. kahit na may munting kurot na ito sa puso mo, itatanggi pa din ito ng kokote mo dahil mahirap tanggapin na yung mas mababang klase ng nilalang ay may punto at tama kesa sa'yo. ayaw mong tumanggap ng pagkatalo lalo na kung simula pagkabata, lumalangoy ka na sa inaakala mong tama. na simula pa noon, pinakikinggan mo lang ang tahol na pamilyar sa pandinig mo at kaya ng boses mo.

puwede din na lumangoy sa gatas. puwede din na tumahol at umalulong ng sabay. kailangan lang na may magturo sa'yo kung paano. minsan, kailangan na bumaba sa kinalalagyan at lasapin ang bagong kapaligiran, bagong mga tunog na makukuhanan ng mga kaalamang nalimot na.

Walang Hangang Gunita

na nakapaloob sa dalawang libong karakter.

para lang sa mga gusto talagang umunawa. para hindi sumama ang loob, para hindi magtaka. siguro, ipagdadamot ko na lang din muna. naalala ko kasi ang isang manunulat. ang sabi ng apo niya sa aking pagka-aalala,

isa siyang makata pero, ang mga gawa niya ay hindi niya nilalathala. masyado daw madumi at makasalanan ang mga tao. hindi sila karapat-dapat sa isang uri ng sining na katulad nang nililikha niya.

err, hindi ganoon ang intensyon ko. hindi naman kasi kawalan ang likha ko sa Mundo. wala lang. hahayaan ko lang na matuklasan nila ng kusa, hindi ko muna ipagpapangalandakan. siguro takot lang ako na mapuna. siguro sawa na kong hindi maintindihan, sawa na mahusgahan. siguro galit nga ako sa mga tao. pero, hindi ko sa kanila ipinagdaramot ang mga gawa ko. hihintayin ko lang sila na maging handa. kapag kaya na nilang tanggapin at unawain ang aking mga gunita, madali na nila itong makikita, mababasa, malalasap, mauunawaan. kahit wala na ako sa araw ng kanilang pagtuklas, ayos lang. tatanawin ko na lang sila mula sa malayo. titingan kung may matutunan nga sila o mauunawaan at palihim na lang akong matutuwa, magagalak.

walang hanggan ang aking mga gunita. dito ko ikakalat at iipunin. ilalabas paminsan-minsan siguro. pero mainam na itago ko muna sa espasyong ito kung saan malaya at walang kailangang sundin na alituntunin. mag-isa, mapayapa, tahimik, madrama at wasak na wasak. tama.

nakababaliw ang katahimikan, pero dito ko naririnig ang mga bagay na dapat malaman. kapag tahimik, at ang naririnig ko lang ay ang sayaw ng orasan, sumasabay dito ang mga gunita ko. umiikot, natututo. walang katapusan, walang hanggan. hanggang sa pagtigil ng tibok ng aking puso. hanggang sa pagsikat ng araw. hanggang sa pagpikit ng mga mata. hanggang sa maputol ang hininga. hanggang sa makahanap ng mga kayang umunawa.

ang korni ko. wasak. ahe..

Friday, May 7, 2010

Antenna

pakikinggan kita.

natanggal na yung antenna ng radyo namen. naalala ko, gamit to ng titser ko nung elementarya pag may gusto siyang ituro na di na abot ng kamay niya. kapag di niya abot, ginagamit niya ang antenna. ang antenna na umiikli, humahaba. sumasagap, kumakalap.

pinaglaruan ko. masubukan kung gagana saken tulad sa radyo. tinutok ko sa buwan, pumikit ako, nakiramdam. WOAH!

ginapangan ako ng *@#?! ipis sa paanan! lintek!

game, ulit, isa pa. binukadkad ko, hinawakan, inilawit sa bintana at tinutok sa buwan. pumikit, nakiramdam.

habang nakapikit, pumasok sa kokote ko kung bakit ko ginagawa 'to? walang masagot ang kokote ko pero hindi naman niya inutusang buksan ang mata ko. nakaramdam ako ng takot. nababaliw na ba ko? sobrang wala na ba talaga akong magawa kaya pati antenna pinagti-tripan ko? err, siguro nga. pero hindi ko pa din magawang dumilat. puwera na lang kung gapangan ulit ako ng ipis sa paa.

siguro, may nasasagap na ko? 'di ko lang napapansin kasi may iba akong iniisip. siguro, sa maling lugar ako nakatutok, kaya puro statik lang ang aking naririnig? hanggang sa ayun na nga, nangawit na ang braso ko, wala pa din, wala. ang mga pumapasok sa kokote ko, hindi yung gusto kong marinig na kakaiba. ang pumapasok sa kokote ko, sarili ko ding mga diwa na nagkalat at naglalakad. huminto lang nung minulat ko na ang mga mata ko. huminto lang ng binitiwan ko na yung antenna na hawak ko at ibinalik sa radyo. wala akong narinig, walang nasagap. hindi ko naabot yung bagay na gustong abutin ng aking palad. 'di tulad ng titser ko, gamit ang antenna niya, naipaparating niya sa amin ang mga nais niya. naaabot niya yung mga bagay na gusto niyang ipamahagi sa iba.

may nasagap ako, hindi ko lang narinig. gumana siguro yung antenna, hindi ko lang naintindihan. dahil siguro, hindi ko alam kung saan itututok ng tama, para marinig ko yung istasyon na para saken dapat.

panunusok ko na lang ng puwet mamaya.

Thursday, May 6, 2010

Umaga na Mamayang Gabi

gigising para sa pagtulog na mahimbing.

kung bakit maliwang sa umaga pero madilim sa gabi ay hindi ko alam. pero parang mas maganda kapag gabi tayo gising at sa umaga hihimbing. bakit? para may kasama ako, para madami tayo.

niyayakap ng dilim ang kalangitan at tinatangay nito ang buwan. kasama ng mga bituin at bulalakaw, kasabay ng paglisan ng araw, matutulog kayo. matutulog kayo pero gigising din kayo. ano ang saysay nun? hindi ko maintindihan. kung bakit kailangan niyo matulog kapag madilim na. akala niyo siguro pumipikit kayo. akala niyo siguro, natutulog din ang mundo. hindi niyo sinubukan man lang habulin ang araw. hindi niyo sinubukan na hulihin ang kanyang tanglaw. sayang yun, baka huling sinag na yun na inyong matatanaw. baka huling dungaw niyo na yun sa mundo na inyong ginagalawan. habulin niyo ang liwanag, huwag kayong matulog. habulin niyo ang liwanag at huwag kayong matakot.

kung hindi niyo nahabol, kung hindi niyo na matanaw, sige ayos lang. kahit papaano sinubukan niyo, puwede na yun. sulatan niyo na lang siya ng liham sa ilalim ng madilim na kalangitan. makipaglaro muna sa buwan at paglaruan ang kalawakan. tama. intayin ang liwanag habang gumagawa ng mga bagay na ikatutuwa niya. para pagbalik ng liwanag, maipagmamalaki niyo na hindi kayo naduwag. na kahit madilim, nanatili kayong dilat, inantay siya na may tangang sigla at madaming pangarap. sa pagbalik ng liwanag, maaari ka na muling magsimula. pagbalik niya, akapin mo siya nang mahigpit, saka ka pumikit at matulog katabi niya. kasabay ng pagtilaok ng manok at mga huni ng ibon. kasabay ng pagbangon ng mga nilalang na naduwag at hindi nagtiwala, na babalik ang liwang pagsapit ng umaga.

lamang ka na ngayon sa iba. lamang ka ng mas madaming ekspiryensya at pangarap sa kanila. balang araw magagamit mo yun. magagamit mo sa oras na maubos ang liwanag at palagi na ang dilim, mayroon ka pa din tanglaw, habambuhay magniningning.

tulugan na, inaantok na ko.

Wednesday, May 5, 2010

Plastik, Gutom, Pormalin at Uhaw

sagot sa kahirapan.

kahit biyakin ko pa ang kokote ko, kahit kainin ko pa ang sarili kong kamay, kahit inumin ko ang pawis ko, wala itong saysay. kasi wala akong pambili ng ulam at panload. wala akong pera. ay, baka kayo din wala?

kakain na lang pala ako ng plastik, hindi ko isusuot. kakainin ko ang plastik para ang tiyan ko laging may laman. hindi na magrereklamo, hindi na kakalam. plastik ang almusal, 'di na kailangan ng tanghalian, merienda at hapunan. plastik ang sagot sa gutom ng sanlibutan. hindi na ko nagkalat, hindi na kailangan magpanggap, dahil plastik na ang nagbibigay lakas sa aking katawan. plastik ng cheese bread para malinamnam.

panulak ko pormalin na lang. pag yun ang ininom ko, siguro hindi na maaagnas ang aking katawan. pag yun ininom ko, mawawala ang mga guhit sa mukha ko. pag yun ang ininom ko, talo ko pa siguro yung humithit ng isang kilong damo. solb pare, hindi na ako mamamatay. parang si Marcos, na kahit ilang dekada nang bangkay, buhay na buhay pa din ang kulay. pormalin ang tatapos sa problema natin sa mga sementeryo. pag lahat uminom ng pormalin, lahat magiging guwapo. malulugi si Belo at ang Floresco. ano ngayon kung El NiƱo? pormalin ang iniinom ko, hindi tubig pare ko.

walang makain ang karamihan, darating ang araw, wala ng pagkain para sa lahat. inubos na kasi ng karamihan, hindi tayo tinirhan, yun pala isusuka din nila agad. madaming nagugutom at madami ang nahihirapan dahil walang tubig sa kanila. madami ang walang pambili ng pagkain, pero madami pa din nagpapanggap na wala silang alam. madaming ang gumagastos para umunat ang balat. madami, oras ang ginugugol para lang sa pamimili ng tsinelas na plastik, na ang halaga ay pagkain na para sa isang baryo. hindi naman nila obligasyon ang iba tama. pero, nasaan ang konsensya? pupunta na ba sila sa langit dahil nagbigay sila ng relief goods nung may sakuna at dahil maganda sila?

bukas, kakain din sila ng plastik at iinom ng pormalin tulad ko.

Monday, May 3, 2010

Punit na Watawat

wasak na wasak.

kung gaano karaming isla ang bumubuo sa Pilipinas, ganun din ata kadaming dibisyon meron tayo. hiwa-hiwalay na nga ang mga pulo, pati kokote natin magkalayo. tama, hindi tayo mga Sunflower na kung saan andun ang araw, dun lang tayo lilingon. pero diba mas maganda yun? isa sinusunod, isa ang tugon. pagkakaisa. pero malabo yun. malabo na dahil sa Relihiyon, idagdag mo pa ang Politika. yung Watawat natin, apat lang ang kulay na siyang dapat natin sinusundan ng tingin, punit-punit na nga, minantsahan pa ng ibang tinta. nung pinanganak tayo, bago tayo naging Muslim o Kristyano, bago naging Administrasyon o Oposisyon, Pilipino muna tayo.

sa darating na Eleksyon, magara panuodin yung mga kumakandidato. ang tingin sa kapwa kandidato, kaaway. magara na nga yung mga kandidato, mas nagiging magara pa yung mga tagasuporta nito. akala nila, yung mga kumakandidato ay ang paborito nilang banda na tinutugtog ang trip nilang musika. hindi ata dapat ganun. akala nila, yung kandidato nila ay parang basketbol team lang na kelangan manalo para maiyabang nila sa kalaban. na kahit mahilig maniko at mambalya, dahil andun yung MVP ika nga, kakampihan nila. hindi ganun, mali ata yun. pag ganyan ka, hindi ka responsableng Botante kundi Panatiko na magiging sarado ang utak para sa iba. isang Panatiko na ipapakita lang ang aprisiyasyon sa iyong sinusuportahan at wala nang pakealam sa iba. kahit iba ang mas maganda, iba ang karapat-dapat, hindi mo na pakikinggan pa. uso ka na e, lilipat ka pa sa iba. number 1! na kaya kami. e teka, paano yung iba na Pilipino din naman? tss.

kawawang Bansa, paano natin maririnig ang isa't-isa? hindi ko na alam kung ang mali ba ay yung sistema o yung gumagawa ng pasya? may pakealam ba talaga tayo o nakekealam lang tayo ngayon dahil uso? masyado na ata tayo nadadala sa mga nakikita natin sa telebisyon. sana, dumating yung panahon na bago ang lahat, tingan muna natin kung ano ang saysay ng ating Watawat.

sana lang.

Sunday, May 2, 2010

Essia,

salamat talaga.

ang mga dahon na bumabagsak ay hindi dapat malungkot. iduduyan sila ng hangin at babantayan hanggang sa mahawakan at ingatan ng lupa. kaya huwag kang mag-alala, bawat ihip ng hangin ay yapos ng pag-ibig para sa'yo. ang nakaabang na lupa ay isang malawak na espasyo sa puso ko. ang puno, hindi ka itinapon, hindi ka inilaglag dahil tapos na ang pakinabang mo. hindi lang siya madamot. gusto lang niyang maranasan mong maging malaya, kaisa ng hangin at lupa. mahal ka namin.

hindi malilimutan ng buwan at ng mga bituin at ng malawak na kalangitan ang tinig mo. nakaukit na ito sa kanilang puso. bawat letra at nota, bawat kuwento at lambing mo ay bahagi na nila. nakadagdag ito sa kanilang kinang, sa kanilang tanglaw, malabong mabura o mapalitan. hindi kailanman mawawala. mahal ka namin.

bawat tubig na iwinisik mo sa munti mong hardin, bawat pag-aalala mo sa kanila at bilin, hindi kaliligtaan at laging tatandaan. ang mga ngiti mo na ibinubungad sa kanila, mga haplos na ipinadama mo, hanggang sa kanilang pagkamatay ay babaunin, sasariwain sa muli nilang pamumukadkad. isasaboy at hahalimuyak. ganoon ka kainam. ganoon ka kaganda. kahit ano pa ang mangyari, mahal ka namin.

huwag kang humingi ng tawad, kahit kailan hindi ka naging pabigat. masyado ka madaming binitbit na parusa, hayaan mo naman na kami ang sa iyo'y umunawa. huwag kang madamot, huwag kang madaya. hayaan mong kami naman ang magkalinga sa'yo. hayaan mong suklian namin ang unawa at pag-ibig na binigay mo. alam mo, kaming lahat, galit sa lason na nakuha mo. kaming lahat, ninanais na kunin lahat yan at itago mula sa'yo. kaming lahat, naiinis, nagagalit, nalulungkot, dahil sa dami naming nagmamahal sa'yo, ni isa samin walang nakasalo sa karamdaman mo. mahal ka namin.

masayang-masaya ako na nakilala ka. kahit anong mangyari, hindi ako mawawala. pagtapos mong magpagaling, alam mo kung saan ako matatagpuan.

essia, lagi mong tatandaan..

mahal kita.