right_side

About Me

CURRENT MOON

Followers

random thoughts..

Sunday, February 28, 2010

Nanaginip Ako na Nagising Ako

gising.

makulimlim pero mainit at wala ako'ng naririnig. bumangon ako bahagya at tumingin sa bintana. walang sinag ng araw ang nakadapo sa dahon ng puno ng mangga sa labas.

dating gawi, diretso sa kubeta at inumpog ang ulo sa malamig na tiles. *thug*, sabi.

namamatay ang mga baboy sa Batangas, nasusunog ang bigas kahit hindi pa sinasaing, may tsunami alert para sa mga nakatira sa dalampasigan at ang pinaka-importante sa lahat, *thug*, nabagok ang ulo ni Kris Aquino sa loob ng mamahalin nilang banyo. astig.

pag-tapos ng ritual, lumabas ako at tumingala. makulimlim talaga pero walang ulap. mainit pero hindi nakakasilaw dun sa parte kung saan ako tumingala. gara talaga.

pag-pasok ko ulit sa loob, dun ko lang napag-tanto na walang tao. alas-dose pasado sa orasan na nakasabit sa pader at narinig ko na ang *tic toc* nito. nakakatamad talaga pag linggo.

nag-pakulo ako ng tubig, kinuha ang paborito ko'ng mug at isinilid dun ang mga pinakamainam na sangkap para sumabog ang ulo at mataimtim na inintay ang pag-kulo ng tubig mula sa gripong ga-ihi ang tulo. sa madaling salita, nag-timpla ako ng kape. bow.

pag-tingin ko sa orasan ay pasado alas-sinco na. pag-tingin ko sa mug ay may mga pinulbos na sangkap muli at ang naririnig ko na ay ang galit na takure. na-timpla ko ba yung kanina? o pang-labindalawang tasa ko na to? limang oras na ata akong nakatulala. solid.

muli ako'ng lumabas at tumingala. may ulap na at talagang maliwanag na. pero alas-sinco na sa orasan. ba't ganun?

yumanig ang lupa at nakarinig ako ng mga halakhak. "hala?" sabi ko. dali-dali ako'ng pumasok sa banyo at muling iniumpog ang ulo sa malamig na tiles. *thug*, sabi.

nadudurog ang mga siyudad sa karatig bansa, lumiliyab ang mga damo, natutuyot na ang mga maisan at ang importante sa lahat, nadulas si Kris Aquino sa loob ng mamahalin niya'ng kubeta. *thug*

gising na ko.

Saturday, February 27, 2010

Hinihipan Ang Langgam, Hindi Pinipisa

eto ang trip.

habang tinitingan ko kung anong pormasyon ang nabubuo dun sa usok na nanggagaling sa sinaing, napaisip ako. sana araw-araw, lumindol at bumagyo. ang sama ko no?

naalala ko lang ung kuwento nung langgam at tipaklong mga dude and men. ung langgam, kahit malayo pa ang tag-ulan eh nag-iipon na ng mga kakailanganin nila, habang ung tipaklong eh petiks lang. may utak ba ung mga yun? ba't alam nila yun? gara.

may nag-kuwento saken. may nakita daw siyang mama sa kalsada na nagtapon ng bote ng mineral sa kalye. itatago ko na lang yung nag-kuwento saken sa pangalang Boy.

nilapitan daw niya yung mama at tinanong niya, "binaha po ba kayo nung nakaraang Pepeng at Ondoy?". tiningan daw siya ng masama nung mama sabay tanong ng, "hindi. baket? ano meron?". sabi ni Boy, "unggoys ka men. maligo ka sana sa dagat na ihi ng daga ang laman! paker!". tapos niyang sabihin yun, isang mabilis na kamao ang dumampi sa kanang pisngi niya. ano kaya ginawa ni Boy?

pinulot niya yung bote na plastik at tinuloy na ung tinatahak niyang landas. "yun na ang pinakamainam na suntok sa buong buhay ko.", sabi niya saken. habang lumalakad siya palayo saken, pabulong ko'ng binitawan ang mga katagang, "idol kita Boy. labyu pare.". di ko na siya ulit nakita. narinig niya kaya yung binulong ko? o napatay na siya?

nag-korteng parang dragon yung usok sa sinaing at nagiging parang mga langgam habang umaangat sa ere at bago tuluyang maglaho. "cool." sabi ko.

pinangako ko ngayon sa sarili ko, na kahit kelan, hindi na ako titiris o aapak ng langgam. pag nakita ko sila na patungo sa paborito ko'ng ulam, hihipan ko na lang. kung sakali naman na makita ko silang nakalutang sa kape ko (madalas kasi sila dun sa lalagyan namin ng asukal.), hindi ko sila aalisin dun. hihigupin ko sila at sabay bu-buntong hininga ng "sorri.". kung bakit? pag-bibigay galang siguro.

yan ang trip.

Friday, February 26, 2010

Zenki Ang Disenyo sa Sando Niya

kinakapos ang hininga ko.

may sasabihin ako sa inyo. huwag niyo pag-kakalat ha? peksman? ok? ok.

habang naglalakad ako kasi pauwi mga tsong, may nakita ako na dalawang bata. umm, lumagpas lang ng konti sila sa tuhod ko. hindi ako matangkad.

maitim na nga sila, puro dungis pa ang balat. yung isa naka-T-Shirt na pula, yung isa sando na may disenyong Zenki ang suot. natawa ako. naalala ko kasi si Zenki eh.

mainit noon, pero naglakad ako pauwi. sayang yung P7 na pamasahe eh. piso na lang banana cue na yun. err, napakaliit lang nila, pero yung tindig nila ay pang-mama na. ang gara talaga mga tsong. pag nakita mo sila, mag-iisip ka talaga. may karapatan pa ba ko magka-anak kung sila, na nasa harap ko habang naglalakad ako pauwi e hindi ko matulungan? tumabi ako sa kanila. hindi nila ako pinansin. tumabi lang ako para makasilong sila kahit papaano sa payat ko'ng anino. naghiwalay na kami ng landas nung lumiko sila sa kabilang kalye.

ngayon, huwag niyo ipagkalat na payat ako ha?

"tatlong sako ng plastik at limang kilong papel.
nasunog sa sinag ng araw, kutis na kahel.
tatlumpung piraso ng baryang kumakalansing.
sikmurang walang laman, pusong walang naglambing.
libo-libong balde ng pawis, hirap na tiniis.
pero wala ni isang luha o hinagpis.
sarili'y nakalimutan na maalala pa.
katawang bugbog, sumisigaw na kaluluwa.
inang labandera na suko na't nakaratay.
amang walang pag-ibig, puro latay ang alay.
dalawang buwang gulang na sanggol na nag-aantay.
haplos at lambing na kuya niya ang magbibigay.
masyado pa'ng maaga para sa sintensiya niya.
pero puno pa din ng pag-asa munting kaluluwa.
hindi puwedeng tanggihan, hindi puwedeng pag-laruan.
pusong lumalaban dahil musmos man ay may muwang."

may hika ata ako amper.

Thursday, February 25, 2010

Alamat ng Bobo

teka lang. *hatsing*

gara kanina men. kasi, naglalakad ako nang nakapikit. yun, muntikan na ko masagasaan. buti bumusina yung taxi. gara. bobo ko.

teka, ikaw? matalino ka ba? hindi? ayy. pa-humble pa. tsk.

ano nararamdaman mo pag may nakita ka na nadapa? pakiramdam mo ba eh parang lumilipad? oo. kasi, hindi ikaw yung nadapa. ibang tao men, hindi ikaw. kunwari lang tumatawa ka, pero sa loob mo, "bobo mo.".

kapag ba may alam ka na hindi alam ng iba, ano ginagawa mo? tinatago mo lang ba sa sarili mo o ihahayag mo sa paraang iba ang datingan? teka, ano ba pakiramdam mo kapag yung alam mo eh hindi alam ng iba? sarap no? matalino ka kasi pare ko.

panahon ng kampanya. napili mo na ba ang ibo-boto mo? nabulatlat mo na ba sila isa-isa? ano natuklasan mo? na may kabit si kuwan, may anomalya si ano, hindi marunong mag-ingles si dude, etc. etc.. talino mo talaga. natuklasan mo yun eh. ikaw na dapat ang tumakbo, bo-boto kita. ye. galing galing.

may binabasa ka na artikulo. dahil matalino ka, may napuna ka. wrong grammar ampupu! akalain mo yun?! andaming salita dun, ang napuna mo yung wrong grammar?! whoaah! henyo ka talaga pare.

kahapon, sa bakuran ng unggoy, ay biglang may umusbong na puno. wala itong bunga o dahon man lang. dali-dali niyang tinawag si dude. sabi ni dude, "wow men! it's tree!". natawa si unggoy, "haha!" sabi niya. nagulat sila ng biglang nagkaron ng konting dahon ang puno. "wow!" sabi nila. sinubukang akyatin ni unggoy ang puno. inakyat niya, nalaglag siya. tawa si dude, "haha!" sabi. nadagdagan na naman yung dahon! "wow!" sabi nila. sa tuwinang may nagagawa silang mali, umuusbong ang puno at lalong tumatayog. nagkaron pa ito ng maraming bunga talaga. madami kasing nagagawang mali si unggoy at dude. parang, yung mga mali ni unggoy at dude ang nagsilbing sustansya ng puno. sumobrang tayog yung puno, nakarating ito hanggang kalawakan. sobrang taas talaga, namatay tuloy ito dahil hindi na nakahinga. "wow?" sabi ni unggoy at dude.

bobo nyo.

Wednesday, February 24, 2010

Hindi Tamad Ang Apelyido ni Juan

at hindi din Dela Cruz. (pero mainam na rak 'en rol band yun.)

kung sino man ang nag-bansag kay Juan ng tamad, lagot ka. tsk. baket mo nasabi na tamad siya? kilala mo ba siya? gara mo.

oo, madalas si Juan sa ilalim ng puno ng bayabas. pero, hindi siya nandoon upang antayin ang pag-bagsak ng bunga nito. tama. ngayon alam mo na. umm, siguro may iniintay siya? o naiinitan kaya? siguro, namangha lang siya sa ganda ng mga ulap? tama. oo nga naman? may nakita siguro siya'ng ulap na korteng buwan o araw o rabbit o whale shark! ganda siguro noon? ngayon, katamaran na ba na mamangha o maging matiyaga?

siguro, binabantayan niya yung puno na yun? siguro, nakaukit dun yung pangako nila sa isa't-isa ng kaniyang kasintahan? siguro, doon nakalibing ang kanyang ina? tama. madaming illegal logger na nagkalat, baka puno nang pag-iibigan yun o puntod ng ina niya e maputol o mawasak lang? siguro romantiko si Juan. astig.

hindi tamad si Juan. hindi din niya apelyido yun. siguro, biktima lang siya ng maling akala. siguro, nahusgahan lang siya agad? dahil siguro, lagi yun nakatambay dun, nag-aantay nang matiyaga, nakatingala. pero, sigurado, hindi lang yung bayabas yung iniintay niya. hindi bobo yun. may malalim pa sigurong kadahilanan. hindi lang natin alam kasi, hindi naman natin siya sinubukang kausapin o tanungin man lang. naniwala tayo agad dun sa lukutoy na nag-bansag sa kanyang tamad. gara naman nun.

ano ngayon si Juan? kung hindi siya tamad, ba't siya lagi nandoon sa ilalim ng puno ng bayabas? sigurado ba ako sa mga pinag-sasabi ko'ng maaaring dahilan? hindi ba tamad lang ang tumutunganga nang napakatagal, hindi kumikilos at walang ginawa kundi tumingala? mag-mamarka talaga ang tamad sa aura ng ganung klaseng tao. ewan ko lang. para malaman mo, siguro, mabuting tanungin mo si Juan. kausapin mo kaya siya at gawin mo'ng matalik na kaibigan. sigurado, sa ganoong paraan, makikilala mo siya. baka malaman mo na din ang tunay na apelyido ni Juan.

Tuesday, February 23, 2010

Panimulang UTOT

maganda pala basahin ang UTOT pag naka-all caps.

tumakas na ako. galing no? tapos na, nakakulong na ako. yes. yes. yo.

kaya eto na, oo eto na kasi. panimulang UTOT.

yun na lang ang pasisingawin ko at hindi ako tatakbo, dahil hindi ni'yo ako makikita, dahil kinulong ko na ako. oo.

huwag ni'yo na ako'ng pansinin dahil ako'y walang saysay. ang pagiging walang saysay ko ay walang humpay. kung ano matututunan niyo ay hindi ko alam. hindi ko alam ang inyong maiintindihan.

kasi ganito yun. oo tama, ganito yun.

pupunta ako kung saan-saan at mag-papasingaw na lang. pumasok na ako at sinarado na ang pinag-lalagyan kaya wala na ako'ng pakealam. kung may matulungan o magabayan, hala?

mag-papakawala ako ng unggoy at ng tigreng magara. lilipad ako sa ilalim ng kumunoy at doon mamumukadkad. hindi ako bulaklak. mabubuhay ako magpakailanman at hahalimuyak. ye. tama.

hahawakan ko ang UTOT at isasaboy na parang campupot. liliwanag ang kapaligiran at inyong masasaksihan ang pag-kakaroon ng pakpak ng bulkan. hindi titigil hangga't hindi kumakain. paulanan man ako ng Pasta de la Crema at Tenderloin Beans. hindi ako papipigil. eto ang simula nang pag-papasingaw. eto ang pag-kakalat ng kamoteng uhaw. wow.

hindi ko to gagawin dahil gusto niyo. isasaboy ko ito dahil maaasar kayo. hindi ito palabas, wala ito'ng patalastas. ito ay UTOT.

pururot-pururot.