right_side

About Me

CURRENT MOON

Followers

random thoughts..

Wednesday, June 30, 2010

Paano Uminom ng Kape

hindi porque P500 ang bili mo sa matangkad mong baso, marunong ka na.

kelangan mo ng hangin. madaming hangin. mauubusan ka ng hangin at hihingalin ka. kelangan mo ng malakas na baga dahil hihinga ka ng hihinga. kelangan mo ng radyo, ng diyaryo, ng kausap, ng kaluluwa. kelangan mo ng malawak na takbuhan at malayang gunita. para hindi ka mapagod, para hindi mabagot. para tuluyang magising at hindi sumakit ang ulo. uminom ka ng kape, huwag kang matakot. kung meron ka na niyan, hindi ka malulunod.

dahan-dahan lang at huwag mong biglain. huwag yung masyadong maligamgam, yung medyo nakapapaso ang mas mainam. isang higop at sanlibong hininga. isang lagok at malayang kaluluwa. isang banto para sa giniginaw na sistema. isang banayad na higop para makawala. namnamin ang yakap sa iyong lalamunan, na banayad na aagos patungo sa iyong sikmura. pakiramdaman ang haplos na aabot sa iyong kalamnan. hanggang sa umakyat sa iyong bumbunan at sumabog ng mapayapa ang laman. isang higop, isang lagok. katumbas ng sanlibong sensasyon na sa katawan mo ay babalot. kasabay ng malamig na hangin at mainam na tugtugin. kasunod ang mga letra at mga diwa na malayang sasaluhin. kapalit lamang ng isang higop at isang lagok. kelangan lang ng kaunting kaalaman at umuunawang panlasa. ihanda ang sarili sa madami pang magagarang ekspiryensya.

isang higop at isang lagok. konting halo at konting singhot. ang sandaling pagninilay-nilay at lumbay ay ipa-hawi sa mainit na haplos at agos na dalisay. madami pang higop at sunud-sunod na lagok ang nag-iintay.

hindi mo kelangan ng liman-daang piso. hindi mo kelangan ng magagarang baso. hindi mo kelangan ng taga-laga ng kape mo. kelangan mo lang ay yung mapait at matamis na likido. kelangan mo lang pakinggan ang tawag ng sira mong ulo. kelangan mo lang pakiramdaman ang madusing na kaluluwa mo. walang kapantay, suwabe, eksakto. nakagugulat ang sarap.

pakiramdam ko pwede na kong mamatay. mamamatay kahit matagal nang patay.

Tuesday, June 29, 2010

Inaugural Speech Ko

*ehem ehem* ubo ubo. isang boteng cough syrup pa pare, lilipad na tayo.

meron na si Kris Aquino nung Linggo. bukas naman yung kapatid niya at siyempre, siya ulet. siyempre dapat ako din meron. pati kayo din dapat, magspeech tayong lahat.

magandang hapon ho. maulan at makulog at makidlat at madilim na Pilipinas senyong lahat. unang-una po sa lahat, mabuhay ang Pilipinas. *palakpakan*

opo, totoo ang balita, hiwalay na si Kris at James. kelangan ko po kasi ng First Lady kaya hihiramin ko muna sa Kris. si Kris Dimagulangan ho. kaya James Dela Peña, intay magbowling ka muna. *palakpakan*

ang turo sa akin ng nanay ko, kung ano ang itinanim, kelangan diligan! *palakpakan*

ang turo saken ng tatay ko, magbisikleta para umunlad ang Bayan! *palakpakan*

muli po, maraming salamat senyong lahat. mabuhay ang Pilipinas! *palakpakan*

masarap matulog kapag ganito ang panahon no? tapos pag-gising mo ay bagong lagang kape ang maaamoy mo. no? no? *palakpakan*

nasabi ko na ba yung sabi ng nanay at tatay ko? *palak.. err*

ay oo nga pala. joke lang ho yun. parang inaantok na kayo e. ha ha! *tawanan (ha ha ha!)*

walang kaibi-kaibigan! walang kamag-anak! hindi ako magnanakaw! anim na taong walang korapsyon! *standing ovation*

muli po, maraming salamat. mabuhay ang Pilipinas! *palakpakan*

*bulong* ano 'to? 'di ko mabasa. *cricket cricket*

err.

sa isang Bansang madami ang magagaling at ayaw malalamangan. sa isang Bansang ang pinaniniwalaan ay ang telebisyon. sa isang Bansang lahat ay may sinasabi. tama. tama lang siguro na ang ating susunod na Pangulo ay si Noynoy. tama. dahil lahat naman tayo ay magagaling, sa sariling sikap natin ay uunlad na tayo. tayo ang magbabago, hindi ang Pangulo. ang Gobyerno? nah. palabas lang yan. isang telenobelang susubaybayan natin sa loob ng anim na taon.

uwian na, tapos na ang drama.

Wednesday, June 23, 2010

Bagong Ligo Kaya Suplado

at hindi na kelangan itaas ang kilay pare ko.

minsan lang ako maligo kaya ipagyayabang ko na. at dahil bagong paligo ako, mabango ako. minsan lang ako bumango kaya hindi ko lalapitan yung mga nagsusungit saken nung hindi pa ako naliligo kahit hindi naman ako mabaho. oo, hindi ako bumabaho. utot lang, basura at patay na daga ang mabaho. minsan kase yung jebs e hindi naman mabaho kaya hindi ko na isasama. lalo na daw yung jebs nung pusang alamid at ng mga Vegetarian. pero hindi tungkol sa jebs 'to kaya tama na. tungkol 'to sa pagsusuplado ko dahil bagong ligo ako. *snifff* panalo pare. iba ang tama ng Safeguard na Gold talagaa.

wala lang. gusto ko lang magsuplado. gusto ko lang sabihin na bagong paligo ako. naligo ako habang kumakanta. sinasambit ko ang mga linyang,

"mister pogi in speyss. saviour ng human reysss.."

habang kinukusot ang aking ulo at katawan. ang sarap pala maligo. matagal ko nang hindi naramdaman ang sensayon na yun. masarap maligo at nakagagaan ng pakiramdam talaga. nakatutuwa din dahil kitang-kita mo yung dumi na natatanggal sa katawan kong puro mantsa. ahhh.. saraaap.

pero hindi ibig sabihin na dahil nasarapan ako e maliligo na ako araw-araw. ayoko, sayang ang tubig. ayoko, ginawin kasi ako. ayoko, ayokong maging suplado parati. ayokong maligo dahil sa estado kung saan mukha akong mabaho at dugyot e doon lumalapit ang mga tunay na may malasakit. ayokong maligo dahil sa panahong puno ng dumi ang aking katawan, e mas mabigat ito at napananatiling nakasayad ang aking talampakan sa putik na aking nilalakaran. katakot kase kapag bagong ligo. dahil sobrang gagaan ang pakiramdam mo talaga. baka hindi ka na makabalik sa lupa talaga. at kaya suplado ako kapag bagong ligo e ayokong may matangay na kaluluwa sa paglipad ko sa poging kalawakan.

suplado ako kasi bagong ligo ako. pero saglit lang 'to. maya-maya, paglalaruan ko ulit ang uling at putik at papasanin ko. hindi din kailanman tataas ang kilay ko.

Tuesday, June 22, 2010

Ang Buwayang Kumain ng Orasan

kaya siguro hindi tumatanda si Peter Pan.

imbes na "GROARR!" ay *tic toc* ang kinatatakutan ni Captain Hook. yun kaseng buwayang kumain sa kamay niya ay nakain din yung orasan na hawak din ata niya. ewan ko, hindi ko na matandaan yung kuwento. huhulaan ko na lang.

nagkukuwentuhan ata noon si Captain Hook at Peter Pan. tinatanong ni Hook kung ano ang silbi ng orasan kay Peter. hindi siya tumatanda at nakalilipad pa. ano pa nga kaya ang saysay ng oras kung hindi ka umaasa dito at malaya kang nakapupunta kung saan mo man gustuhin. yun nga siguro ang pinag-uusapan nila noong araw na kinain ng buwaya ang kamay ni Hook na may hawak din na orasan. siguro napikon si Peter Pan. nainsulto siguro o nainggit kay Hook na may oras na pinanghahawakan, may oras na sinusunod, may oras na kinatatakutan. pumasok siguro sa kokote ni Peter Pan na hindi din pala maganda ang sobrang kalayaan. lalo na ang pagiging malaya sa oras. sa kamatayan. naiinggit din si Hook kay Peter siyempre. naiinggit siya dahil hindi ito tumatanda at nakalilipad ng malaya. madaming tinanong si Hook tungkol dun sa sensasyon ng kalayaan. at dahil madami siyang tanong, sumakit siguro ang ulo ni Peter at nagdilim ang paningin dahil naiinggit nga siya kay Hook. tinulak niya siguro 'to sa ilog o lawa o dun sa bahay ng buwaya. at yun na nga, sakto, andun yung buwaya. nakain yung kamay ni Hook kasama yung orasan niya.

ang buwayang tumapos sa mga katanungan ng dalawa. ang buwayang kumain ng takot ni Hook at ang inaasam ni Peter na oras. ang buwayang sumisimbolo sa kahinaan ng bawat tao. ang buwayang tumi-tic-toc at hindi nag-goGROAAAR.

masaya na si Hook. yung kamatayan na kinatatakutan niya, may babala na. dahil tuwing naririnig niya yung tic-toc, napaghahandaan niya. masaya na din si Peter Pan, dahil yung inaasam niyang oras na kayang humabol sa kanya, ay nasa katauhan na ni Hook na sumumpang papatayin siya dahil sa ginawa niya sa kamay niya.

dapat lagi hawak ang oras talaga.

Wednesday, June 16, 2010

Gutom at Antok

paano ba talaga, talaga paano?

inaantok kase umaga na. natunaw na yung laman ng sikmura at kelangan palitan na. ngayon gutom na ako at inaantok pa. lintek. ano gagawin ko, ano uunahin ko?

ganito yun, ganito ganito. kapag kumain ako, kapag sinunod ko ang reklamo ng sikmura ko, kelangan lumabas ako. lumabas para bumili ng pagkain. lumabas para unahan ang mga tulog pa na saluhin ang unang sinag ng araw. kapag ginawa ko yun maglalakad ako. kapag naglakad ako madami akong makikita. kapag madami akong nakita, iisipin ko lahat sila. kapag inisip ko lahat ang aking nakita, gagalaw ang kokote ko. kapag gumalaw ang kokote ko ay magigising ang ulirat ko. kapag nagising ang ulirat ko, kakainin nito ang antok ko. kapag kinain nito ang antok ko, hindi ako makatutulog. kapag hindi ako nakatulog na naman, mawawalan na ako ng dugo. kapag nawalan ako ng dugo, wala na ang bubuhay saken. kapag nawala na ang bubuhay sa aken, mamatay na ako.

matulog na lang pala dapat ako kung ganoon? kapag natulog ako ng gutom, mahihirapan ako. mahihirapan ako kase yung sikmura ko magdadabog. pero kahit magdabog yung sikmura ko, hindi ko mararamdaman. hindi ko mararamdaman kase nakatulog na ako. nakatulog ako dahil sa hirap na nadarama ng sikmura ko. naghihirap ang sikmura ko dahil wala itong laman. dahil wala itong laman, kakainin nito ang sarili nitong laman. kapag kinain nito ang sarili nitong laman, masusugatan 'to. kapag nasugatan 'to, masasaktan siya talaga. kahit masaktan siya ay hindi ko naman mararamdaman. tulog ako kaya wala akong mararamdaman. dahil wala akong maramdaman, hindi ko ito maaagapan. kapag hindi ko ito naagapan, mauuubos ang sariling laman ng akin tiyan. kapag naubos ang sarili niyang laman, mawawalan ako ng sikmura. kapag nawalan ako ng sikmura, hindi ako makakakain. dahil hindi ako makakakain, hindi na lang ako gigisingin. kapag hindi ako ginising, malamang mamatay din ako.

imposible talaga magawa ng sabay. mahirap madama ng sabay. patay.

Saturday, June 12, 2010

Erase Your Face

kapag..

lumabas ka ng bahay at lumakad patakbo. kapag tumingala ka at nakita na ang langit ay kulay abo. kapag yumuko ka at may tae sa talampakan mo. isa lang ang gagawin, wala ng iba pare ko.

ilagapak ang palad sa noo, kanan man o kaliwa. himurin ang mukha hanggang sa baba. parang naghihilamos lang, parang natutunaw lang. ERASE YOUR FACE my man, ang buhay ay sadyang parang tanga lang.

kapag nanunuod ka ng telebisyon at may nakita kang malaking butas na biglang lumitaw sa Guatemala. kapag hindi makapuntos si Ray Allen dahil mahigpit ang depensa. kapag nakikita mo ang usok mula sa ilong ni Ginoong Aquino. kapag may naaksidente na naman na nagmo-motorsiklo.

ilagapak ang palad sa noo, kaliwa man o kanan. ipahid pababa sa mukha na ang pawis na parang Ponds lang. tangayin ang mata, ang ilong at ang bunganga. ERASE YOUR FACE pare ko. sakto.

kapag sawi ka sa pag-ibig at niloko ka ng nanay mo. kapag nawawala ang aso niyo o may pumutok na lobo. kapag nasaksak ka sa tagiliran dahil ayaw mong ibigay ang China phone mo. kapag nakita mo yung tatlong bata na may bitbit na sako. ano pa iniintay mo? alam na.

ilagapak ang palad sa noo, yung malakas talaga. hilamusin ang mukha gamit ang sariling dugo ng iyong sistema. itakip mo sa mukha mo para wala ka ng makita. ERASE YOUR FACE men. na parang jellyace. yeys!

kapag aburido, aligaga, kunsomido. kapag malas, talo, masakit ang tiyan at ang ulo. erase your face, suwabe, garantisado. erase your face, subukan mo mula baba papuntang noo.

ang kalangitan kulay abo. ang sahig kulay champorado. erase your eyes. ambaho ng patay na daga pero mas mabaho ang usok mula sa bunganga ng katabi mo. erase your nose. lasang lupa ang kanin at hindi ka pa nagsisipilyo. erase your mouth. ang panget na tanawin, ang baho ng mga alituntunin, ang pakla ng mga bagay na pumapasok sa aking tenga.

walang duda, wala ng iba. erase your face pare, tapos ang problema. mapapa-yeba ka talaga.

Wednesday, June 9, 2010

Mister Bean

shhh.

kahit ilang beses ko na napapanuod, natatawa pa din ako. kahit paulit-ulit at kahit sunod-sunod pa, nakakatawa pa din siya. hindi naman siya panget, hindi din bakla. hindi payat, hindi mahaba ang baba. hindi pango, hindi din mataba. partida, hindi na niya kailangan na magsalita. pero, nakakatawa siya talaga. ibang klase. isang henyo. parang naabutan ko tuloy si Charlie Chaplin. panalo talaga. ibang klase ang Komedya niya talaga.

err, tuwing napapanuod ko siya, ewan ko. kahit madaming beses niya na ako napapatawa, nalulungkot ako. kasi, wala na gaanong komedyante na tulad niya, lalo na dito sa Pilipinas. yung mga katulad kasi niya, kayang magpatawa na hindi kailangan na may laitin o may kasamang sidekick na panget o may binu-bully o may pinauusong mga pariralang pauulit-ulit na sinasabi at nakaririndi sa kokote o may binabatukan o may ginagaya na pinapapanget o.. basta, mga ganung gasgas na istilo ba? sa madaling sabi, kaya niyang mapatawa ka na pagkatapos mong tumawa, hindi ka makararamdam ng guilt. kase yung tinawanan mo, hindi deformed ang mukha o hindi binugahan ng tubig o hinampas ng diyaryo o binastos o nilait-lait o.. basta ulet, yun na yun. simple lang yung ginagawa niya, direkta. isang klasik na paraan nang pagpapatawa. ang tunay na esensya para sa akin ng Komedya.

ewan ko. nagtataka lang ako kung nasaan na kaya siya? bakit parang hindi siya sikat? parang wala siyang nakukuhang parangal? ewan ko. hindi ko alam. hindi naman kasi siya naka-add sa Facebook ko. naaalala ko lang siya kapag napapanuod ko yung mga replay na palabas niya. meron din na cartoons pero hindi gaanong nakakatawa. nagsawa na kaya siya? napagod siguro? sabagay, mahirap na trabaho ang magpatawa. pipe ba siya talaga? ganun din kaya siya kumilos sa tunay na buhay? nalulungkot din kaya siya?

basta, para saken, isa siyang henyo talaga. kung nasaan man siya, kung buhay pa ba siya o patay na, isa lang ang magagawa ko para pasalamatan siya.

tumawa.

Monday, June 7, 2010

Melchor Flowers,

magandang araw.

malapit mo nang malasahan ang sarili mong dugo. malapit nang tunawin ng sistema mo ang sarili mong laman. hindi ka na makapeperwisyo pa. tama na, wawakasan ko na. matagal na akong nagtitimpi, nagtitiis. matagal na kitang minamatyagan, wala ka pa din pinagbago. at eto na nga, napuno na ako. ang poot na nararamdaman ko sa'yo ay nalason na ang ulo kong sinira mo. ang mga pangungutyang akala mo ay tama, na tila galing sa isang nilalang na biyaya ng kalangitan sa amin ay sumagad na sa buto ko na dinurog mo. nagkakamali ka ungguy ka. hindi ka regalo ng kung sino man na Diyos sa lupa. ang totoo, wala kang kasing baba. mas mababa ka pa sa pinakamababang uri ng nilalang. mas masahol ka pa sa tapeworm. alam mo yung tapeworm? hindi. kasi ungguys ka.

may taning ka na pare, planado na ang lahat. kaya kita sinulatan ay hindi para balaan o takutin ka lang. binibigyan lang kita ng panahon para makapagpaalam ka sa mga dapat mong paalaman. yun ay kung meron nga? ang alam ko kasi, lahat ay kinapopootan ka at gusto ka nang maglaho. kahit sarili mong dugo ay sinusuka ka na. pero pagbibigyan pa din kita. kelangan maging handa ka. huwag mo nang isipin na tumakas o magtago dahil imposible yun. imposibleng hindi kita matagpuan. umihi ka na sa salawal mo. simulan mo na magrosaryo kung marunong ka pa.

kung minahal mo lang sana ako. kung sana lang, tinrato mo akong kauri mo. yun lang naman ang gusto ko pero, wala. binalewala mo na nga, inalipusta mo pa ako. kung sana minahal mo lang ako tulad ng pagmamahal ko sa'yo, hindi na sana ako, kami nasaktan. hindi na sana umabot pa sa ganito.

matitikman mo na ang sarili mong dugo, pangako. tutunawin ng sarili mong sistema ang iyong laman, patawad. hindi na ako mapipigilan.
"my darkest clouds will be pouring rain to melt your flowers upon your stupid grave."

mahal pa din kita,
I am The Walrus